MARAMING BESES nang nag-portray bilang kontrabida si Polo Ravales. Pero sa pelikulang Of Sinner Or Saint na isa sa eight selected films na maglalaban-laban sa Filipino New Cinema section ng World Premieres Film Festival, talagang sukdulan ang kasamaan ng role niya.
Ginagampanan niya ang karakter ng isang siga na asawa ng indie actress na si Channel Latorre. Bida rito bilang Italian missionary na na-assign sa Pilipinas ang Filipino-Italian actor na si Ruben Maria Soriquez na siyang direktor din ng pelikula. Kasama rin sa cast sina Raymond Bagatsing, Althea Vega, at Richard Quan. Mapanonood ito at ang pito pang entries sa SM Cinemas sa buong panahong itatakbo ng festival mula June 24 to July 2.
“Actually ano siya… very over-whelming para sa akin na gawin ‘yong pelikula,” sabi ni Polo.
“Kasi sobrang ano, e… sobrang ganda no’ng script. No holds barred ito, e. ‘Yong mga kontrabida roles na nagampanan ko dati, sa mga TV shows e, so controlled ‘yon, kasi pambata, e. Ito kasi, first time kong villain na… no holds barred. So, anything na puwede kong gawin, ginawa ko.”
Sobrang barumbado at bayolente ang role. May eksena nga raw na talagang natakot sa kanya si Channel na inakalang talagang totohanan nang masasaktan niya ito.
“Oo nga, e. Well sinabihan ko naman siya na… we’ll do this scene, I’ll try to control it as much as I can. But if… nasaktan ka, I hope you’ll understand. And I think naramdaman niya ‘yong eksena namin, e.”
Ano ba ang naging motivation niya para mailabas ‘yong gano’n kasamang character na kailangan niyang i-portray?
“Siguro lahat naman tayo, meron tayong side ng… alam mo ‘yon? Animal side? You just have to… parang discover it. And kailangan mong ilabas para magamit mo sa pelikula.”
Is he aiming to win an award sa pagku-compete ng pelikula nila?
“Of course. Of course. I would be the happiest man if ever na makuha ko ‘yong best supporting actor award. But I don’t expect. I’m just hoping and wishing na… manalo. Marami na akong naging acting nominations. Pero hindi pa ako nananalo ng acting award.”
Minsan na raw siyang umasa na manalo ng acting award nang makakuha siya ng nominasyon sa pelikulang Walang Kawala na idinirehe ni Joel Lamangan, kung saan gumanap silang gay lovers ni Joseph Bitangcol.
“No’ng time na ‘yon, eighty percent nag-expect ako. And I learned my lesson na… you should not expect. Nasaktan ako no’ng hindi ako nanalo that time. Oo! First time ko ‘yon na… gay movie. First time ko na naghubad nang todo. First time ko na ibinuhos ko lahat, e. Siyempre noon, bata-bata pa ako. Alam mo ‘yon? Ngayon alam ko na sa sarili ko na kailangan hindi ako mag-expect ng kahit na ano.”
Okey lang ba kung puro kontrabida roles pa rin ang maging offer sa kanya?
“I think nata-typecast na nga akong kontrabida, e. Pero ‘yong mga makapanonood nitong Of Sinner Or Saint, I think somehow I’ll gain somehow respect that I am a good actor.”
Hindi siya nadidismaya sa kasalukuyang takbo ng kanyang career?
“No. Hindi naman ako nadidismaya. Freelance na ako ngayon. We had a meeting nga with ABS-CBN. Sabi nila July raw, baka may gagawin ako, so I hope matuloy. A… siguro, naiinip. But I think, well sabi nga nila… patience is a virtue. So, you need to really be patient. In God’s will, in God’s time… kapag ibibigay naman Niya sa ‘yo, ibibigay Niya sa ‘yo, e, ‘di ba? So, that’s life.”
Five years na ang itinatagal ng relasyon nila ng kanyang non-showbiz girlfriend. Wala pa silang balak na magpakasal?
“Siguro hindi pa time. ‘Yong mga kasabayin ko dati sa GMA, halos lahat sila may mga baby na.”
Posible bang mangyari na mauna ang baby bago ang kanilang pagpapakasal?
“Ay, hindi. Kasal muna dapat.”
Paano niya nasisigurong hindi mauuna ang pagkakaroon nila ng baby bago ang kasal?
“We talk about it. And siya mismo, siyempre gusto niya… kasal muna.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan