Polo Ravales, sukdulan ang pagkasalbahe

Polo-RavalesHINDI NA bago para kay Polo Ravales ang gumanap bilang kontrabida. Pero sa indie movie na Of Sinner Or Saint produced by See Thru Films, talagang sukdulan daw ang pagiging salbahe ng kanyang character.

“No’ng tinanggap ko ito, inilagay ko na lang sa isip ko na kapag ginawa ko ‘to, ito ‘yong vehicle para mapansin ang acting ko. Kaya pagdating ko sa set… kapag nagtatrabaho ako, motivated na ako.”

Ang Of Sinner Or Saint ay kuwento tungkol sa isang Italian Priest na bumalik sa Pilipinas para hanapin ang babaeng naanakan noong panahong seminarista pa lang siya. Ginagampanan ito ng may dugong Pinoy na Italian actor-director na si Ruben Maria Soriquez na siya rin ngang director nila.

Ang indie actress na si Channel Latorre ang gumaganap sa role ng babaeng nabutis ng Italian priest habang si Polo naman ang mapang-abusong live-in partner nito.

First time lang daw ni Polo na ma-handle ng isang foreign filmmaker na gaya ni Ruben. Pero bilib daw siya sa galing nito.

“Hindi ko talaga ini-expect na gano’n siya kahusay gumawa ng pelikula. Lalo, usually kapag indie film, tipid siya, ‘di ba? E, itong Of Sinner Or Saint, parang mainstream! Kasi gano’n ‘yong mga movie na ginawa na niya sa Italy. Tapos, hindi lang siya director. Actor din siya. At natutuwa ako, kasi nakita ko na inalagaan niya ang role ko, e.

“Meron nga akong ginawang eksena na… alas-diyes ng umaga. Tapos ang init dahil tanghaling tapat. Pinatakbo niya ako ng 30 seconds. ‘Yong takbo talaga na habulan. Sa eksena, hinahabol ko siya kasi papatayin ko siya, e. Tapos maraming shot na iba-ibang anggulo. Nakakapagod talaga. Pero ang gandang lumabas.”

Nangiti si Polo nang mausisa naman sa estado ng kanyang lovelife ngayon. “Okey naman. Non-showbiz ‘yong girlfriend ko. Four years na kami.”

He’s 31. Hindi pa ba sila nagpaplanong pakasal? “Minsan naiisip namin. Pero… wala pa sa plano.”

Ano ba ang nakakapigil sa ngayon para pagplanuhan o pag-usapan na nila ang pagsi-settle down?

“Pareho kami, e. Parang hindi pa namin napi-feel na right time na. Siguro dahil… kasi pinag-iipunan ang pagpapakasal. Hindi lang basta pinaplano. Ang mahal magpakasal, a! Kahit naman hindi engrande ang kasal, aabot pa rin ng mahal ang gagastusin mo, e. Sa reception pa lang, aabot ka na siguro ng mga 300 to 400 thousand pesos. ‘Di ba?”

Sa palagay ba niya, kung hindi non-showbiz ang girlfriend niya, tatagal ng fours ang realsyon nila?

“Depende naman siguro ‘yon. And hindi ko naman choice na hindi artista ang sunod na maging girlfriend ko. Nagkataon lang.”

Nakailang girlfriend na artista rin si Polo. Isa nga sa mga ito si Sunsine Dizon na ngayon ay may asawa at dalawang anak na. Hindi man lang siya kinuha ni Sunshine na ninong para sa isa sa dalawang anak nito?

“Baka kasi magselos ang asawa! ‘Di ba?” natawa ulit na biro ni Polo.

Ang ex-din niyang si Ara Mina, magiging mommy na rin.

“Natutuwa ako. Parang kailan lang… tapos ngayon magkaka-baby na. May asawa na sila,” pagtukoy niya kina Sunshine at Ara.

“Si Chynna (Hortaleza) at Alex (Alessandra de Rossi), wala pang asawa,” pagtukoy niya sa dalawa pang aktres na naging girlfriend din niya.

Sino sa mga ex niyang sina Sunshine, Ara, at Chynna, ang kumbaga ay na-maintain niya ang friendship? ‘Yon bang kahit papa’no ay may communication sila o nakaka-text niya once in a while?

“Siguro… si Alex. Pero si Ara no’ng tumakbo before na councilor sa Quezon City, tumulong ako sa kanya na mag-campaign, e. Pero si Alex, kami ang nagkakausap. May mga pagkakataon kasi na nagkikita kami, kasi parehas kami ng manager.”

Wala raw alam si Polo tungkol sa tsismis na sina Alex at Sid Lucero na.

“Basta… magkaibigan kami ni Alex,” nangiting sabi na lang ni Polo.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleAllen Dizon, dumidistansya na sa pagpapa-sexy
Next articleAiko Melendez, willing mag-produce ng pelikula kasama ang anak na si Andre

No posts to display