SA AKING pagbabasa ay nakilala ko si Robert Nozick, isang mahusay na proponent ng Libertarianism government. Ang Libertarianism ay isang teoryang nagsasabi na ang bawat isa ay pagmamay-ari ng kanyang sarili at may karapatang magmay-ari ng ilang mga bagay. Ang libertarian government naman ay kumikilala sa karapatang ito ng bawat tao at ibinabase ang mga regulasyon nito ayon sa karapatang nabanggit.
Ayon kay Nozick, ang isang gobyernong libertarian ay may dalawang pangunahing tungkulin sa tao. Ito ay siguraduhin ang kanyang kaligtasan at kayamanan. Mahala ang dalawang pangunahing tungkuling ito at ang susi sa pagpapatupad nito ay isang mahusay na pamamalakad sa sektor ng militar at kapulisan.
SA BUDGET deliberation ng PNP sa Senado, sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na nangako ang pamunuan ng PNP na kaya nilang rumesponde sa isang krimen at kaguluhan sa loob ng 15 minuto. Kasama rin ang pangakong itataas nila ng 25% ang bilang ng mga pulis na maglalakad at iikot sa mga pampublikong lugar. Dadagdagan din nila ang patrol cars na iikot sa Kalakhang Maynila, lalo na sa mga lugar na mataas ang insidente ng “street crimes”.
Ang lahat ng pangakong ito ay nakapaloob sa P72.1 billion budget proposal ng PNP para sa 2014. Batay sa proposal, ang P100 million ay para sa mga bagong estraktura, P1.8 billion para sa mga bagong sasakyan at P925 million para sa iba pang kagamitan.
Ang mga katuparan ng mga pangako ng PNP ay nakasalalay sa pondong makukuha ng PNP sa gobyerno, ayon kay Recto.
BATAY SA mga datos na pinakita ng PNP para sa taong 2012, 129.161 cases ang reported index crime at 88.651 cases ang non-index crime category. May sumatotal na 217.812 crime volume noong 2012. Kung sa pang-araw-araw na krimen ang batayan, lalabas na may 22 murders at 74 robberies ang naganap noong 2012.
Mukhang kailangan talagang bigyan ng malaking budget ang PNP batay sa mga datos na ito. Papaano ka pa lalabas ng bahay mo para magtrabaho kung 22 kaso ng murder ang nangyayari araw-araw? Sa dami ng mga nagmo-motor sa kalsada, hindi mo alam kung katapusan mo na sa tuwing may dadaan o lalapit na riding in tandem sa ‘yo.
Hindi ka rin mapakaling iwanan ang bahay mo dahil sa 74 na kaso ng robbery araw-araw. Sa mga ordinar-yong naglalakad sa kalsada ng Cubao, Quiapo, Recto at Araneta, tila wala silang kasiguraduhan kung mahahablot ang kanilang cellphone, bag at kuwintas.
KUNG ANG magiging simpleng batayan ng mabuting serbisyo ng ating gobyerno ay ang teoryang Libertarianismo at ang sinabi ni Robert Nozick, tila bagsak ang grado ng gobyernong PNoy. Ang kaligtasan ng bawat isa at pag-aari nito ay ang pangunahing tungkuling dapat magampanan ng gobyerno. Ito rin ang ipinag-uutos ng ating Saligang Batas. Kung ganoon, ito dapat ang pa-ngunahing prayoridad ng gobyerno.
Kung ikukumpara sa ibang bansa, malayung-malayo ang kakayahan ng ating kapulisan para makahuli ng kriminal. Wala tayong police patrol helicopter at mahina ang communication system para mag-coordinate ng lokasyon. Bulok ang mga police cars at mahinang klase ang mga baril na gamit ng mga pulis natin. Ito marahil ang ilan sa mga dahilan kung bakit kaliwa’t kanan ang krimen araw-araw at ang magpapatay ng tao ay napa-kasimple lang.
Sana ay maaprubahan ang budget na ito at magamit sa tama ng pamunuan ng PNP!
Shooting Range
Raffy Tulfo