NOONG NAKARAANG Sabado, nakapanayam ko si Davao City Mayor Rodrigo Duterte para sa Aksyon Sa Tanghali newscast ng TV5.
Diretsahan ko siyang tinanong kung siya ba ay tatakbo sa pagkapangulo sa 2016 elections gayong pumapangatlo siya sa resulta ng pinakahuling survey na ginawa ng SWS na gusto ng mga taong maging presidente. Katulad ng dati, mapapakamot pa rin ng ulo ang kanyang mga taga-suporta dahil sa kanyang sagot na hindi raw siya interesado.
Bukod sa may katandaan na, wala rin daw siyang perang pampondo para sa isang presidential race, ayon pa kay Duterte. Pero nang tanungin ko siya kung halimbawa mang nagbago ang kanyang isip at siya’y tumakbo’t pinalad, kakasuhan ba niya si Pangulong Noynoy Aquino pagbaba nito sa puwesto sakali mang may naungkat na mga katiwalian laban dito?
Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa sa kanyang sagot na oo, pananagutin daw niya si PNoy kung sakali man dahil paiiralin pa rin niya ang batas at hustisya na para sa lahat. Wala raw siyang sasantuhin.
HINDI NA rin siguro natin kailangan pang tanungin si Vice President Jejomar Binay, ang kasalukuyang nangunguna sa nasabing SWS survey, kapag siya ay nanalo kung pananagutin niya ba si PNoy sa mga kasalanan ng administrasyon nito?
Dahil nakatitiyak na tayo sa magiging sagot ni Binay. Malamang hindi lang pananagutin, baka gagawin pa ng administrasyon ni Binay ang lahat para masigurong matikman ni PNoy na makulong.
Ang mga kaliwa’t kanang kaso na nagsisilitawan ngayon laban kay Binay at sa kanyang pamilya, sa paniniwala ng kampo ni Binay ay isang pamumulitika lamang na kagagawan ng grupo ni PNoy para siguraduhing hindi makatuntong ng Malacañang si Binay at makaupo ang taong iendorso ni Aquino na sinasabi ng mga kaalyado nito ay si Secretary Mar Roxas.
SA KABILANG banda, si Senator Grace Poe na pumapangalawa naman sa nasabing survey ng SWS ay hindi papatulan ang puwesto sa pagkapangulo dahil alam niya kung hanggang saan lang ang kanyang kakayahan.
Ilang political expert ang aking nakausap na nagsabing mas pipiliin daw ni Poe na tumakbo sa pagka-bise presidente na lang na kung saan sigurado na ang kanyang pagkapanalo – lalampasuhin niya ang kanyang mga magiging katunggali.
Si DILG Secretary Mar Roxas na lamang ang tanging pag-asa ni PNoy na pumapangatlo sa naturang survey kapantay ni Duterte. Pero paano kung hindi pinalad si Roxas sa Malacañang sa 2016? Patay kang bata ka PNoy!
BAGO UMALIS ni PNoy sa kanyang puwesto, para hindi lalong madagdagan pa ang mga puwedeng maikaso sa kanya kapag wala na siya sa posisyon ay huwag siyang magpadalus-dalos sa pag-appoint ng mga tao sa iba’t ibang sangay ng ating gobyerno.
Kapag hindi siya nag-ingat, ang mga taong ipupuwesto niya ngayon hanggang sa pagkatapos ng kanyang panunungkulan ay maaaring mangungurakot nang todo-todo at sasamantalahin ang mga natitirang araw ni PNoy sa Malacañang.
‘Ika nga ng mga ito, weder-weder lang ‘yan. Habang at bago sila umalis ng kanilang puwesto, kailangan nilang magnakaw nang magnakaw dahil ang nasa kukote ng mga taong ito kapag sila ay umalis na, ang papalit sa kanila ay mangungurakot din.
PUMUPUTOK NGAYON sa Bureau of Customs (BOC) na mag-aappoint ng bagong Customs Commissioner si PNoy sa katauhan ni Bert Lina, dati nang naging Customs Commissioner at matagal nng may-ari ng isang malaki at sikat na freight company na nakikipagtransaksyon sa BOC.
Kung matalino talaga si Pnoy, dapat paimbestigahan niya muna ang kompanya na pag-aari ni Lina at ang mga naging transaksyon, pati na ang mga naging problema nito sa BOC. Dahil mahilig naman siyang mag-text, wala siyang ibang gagawin kundi i-text niya ang mga kasalukuyang opisyal ng BOC para mag-textback ito sa kanya ng mga impormasyon na makatutulong sa kanyang gagawing desisyon. At siyempre, padadalhan siya ng mga ito ng mga ebidensya.
Isang malaking conflict of interest na ma-appoint sa BOC si Lina sa kahit ano pa mang puwesto. Kahit pa sabihin niyang siya ay magdi-divest ng kanyang interes sa nasabing kompanya at magre-resign doon, hindi pa rin maaalis sa isipan ng lahat na posibleng magagamit niya ang kanyang posisyon para sa dating kompanya na kanyang pag-aari.
Ang matindi pa, mamo-monopolize na ng kompanyang ito ang lahat ng players sa BOC dahil kusang magsisipuntahan na sila sa kompanyang ito sa pag-asang mabibigyan ng “special priviledges” a.k.a. hindi na huhulihin at wantusawa na sa smuggling.
BUKOD KAY Lina, isa pang pumuputok na pangalan na susunod na i-appoint daw ni PNoy bilang Commissioner ng Customs ay itong nagngangalang Galant. Nariyan naman ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines, PNP Intelligence Group, NBI Counter Intelligence Division, at National Intelligence Coordinating Agency na puwedeng pagtanungan ni PNoy tungkol sa pagkatao nitong si Galant.
Kamakailan, nakapaningil na umano ang mga nagpapakilalang tao ni Galant ng halagang P150-million goodwill money mula sa ilang malalaking Chinese player sa BOC. Ang halagang ito ay down payment lamang daw mula sa mga player na gustong makipagkaibigan kay Galant dahil siya ang sinasabing susunod nang Commissioner ng Customs.
At kapag natuloy siyang maging Commissioner, kailangan namang mag-ambag-ambag muli ang mga player na ito para makalikom naman ng halagang P350-million na goodwill money pa rin.
Sinasabi ng umano’y grupo ni Galant na ang kabuuang halagang P500-million na malilikom nila ay para sa campaign funds daw ng Liberal Party. Ang kapalit daw nito ay bubuksan ng BOC ang “gripo”.
Ang salitang “bubuksan ang gripo” ay lengguwahe ng mga smuggler na ang ibig sabihin ay lalargahan na ang lahat ng klase ng smuggling. Pero ang mga eksklusibong papayagan lang na makasahod sa “gripo” ay siyempre ang mga Chinese players na nag-ambag-ambag at nakapagbigay ng kalahating bilyong pisong goodwill money sa grupo umano ni Galant, kung ito nga talaga ang susunod na magiging Commissioner.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Panoorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo