PATULOY ANG natatanggap nating masasamang balita tungkol sa pagmaltrato ng mga Taiwanese employer sa mga OFW sa Taiwan. Pagganti nila ito sa pagkapatay ng Philippine Coast Guard sa isang mangingisdang Taiwanese. Sa kasalukuya’y isinasagawa ng pamahalaang Pinoy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.
Liban pa rito, humingi na ng dispensa ang pamahalaang Pilipino sa pamahalaang Taiwanese. Ngunit lumalabas na ayaw tanggapin ng Taiwan ang ating pagso-sorry. Sa halip, hinigpitan nito ang deployment ng mga Pinoy sa Taiwan at minamaltrato ng ilang Taiwanese ang mga Pinoy na nagtatrabaho o nagnenegosyo roon.
Astang kanto boy at maton ang posturang ito ng Taiwan. Labag ito sa lahat ng pamantayan ng diplomasyang pandaigdig.
Sa isyung ito, mahalagang maging matatag ang gobyerno natin. Huwag tayong yuyuko o paduduro sa pananakot at panggigipit ng Taiwan. Pangunahin sa ating mga isinasaalang-alang ay ang kapakanan ng mga Pinoy, lalo na ang mga OFW sa Taiwan. Walang kinalaman ang mga inosenteng OFW sa insidente.
Isa pa, humingi na tayo ng sorry. Iniimbestigahan na natin ang kaso. Ano pa ang gusto nilang gawin natin? Magpakatatag tayo at suportahan natin ang ating pamahalaan sa labanang ito.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo