NGAYONG NABUKSAN na ang imbestigasyon sa isyu ng overpriced Iloilo Convention Center sa Senado, asahan na natin ang mala-Makati overpriced parking lot building na tagpo rito. Tiyak na maglalabasan na naman ang mga nakalululang ebidensya at mga kaakibat na kaduda-dudang proyekto kung saan ay patuloy itong manganganak nang manganganak ng bagong isyu gaya rin nga ng hinaharap ni VP Jejomar Binay.
Ang tanong ay panibagong pagpipiyestahan na naman ba ito ng media at ng taong bayan? O baka naman ito’y isa rin sa mga bagay na gigising sa ating reyalidad na karamihan sa ating mga lider at pulitiko ay magnanakaw?
May isang bagay na maaari nating tingnan sa bagong isyu ng korapsyon na ito. Ang tinutukoy ko ay ang muling pagkakasangkot ng Hilmarc’s Construction Corporation sa proyektong Iloilo Convention Center. Bakit kaya ang parehong proyekto na pinaghihinalaang overpriced ay parehong naibigay sa iisang construction firm? Siguro ay mas mapapadali ang pagdedetermina kung may anomalya ngang naganap dito sa proyektong Iloilo Convention dahil naisalang na rin sa pag-iimbestiga ng Senado ang Hilmarc’s Construction Corporation. Ang punto ay magkakaroon ng precedent case kung magkakataon. Kung magkaganito nga ay ano ang magiging implikasyon nito?
ANG PRECEDENT case ay isang pagpapalagay ng katotohanan base sa porma ng lohika. Kadalasan nga ay ginagamit ang precedent cases sa mga desisyon ng kaso sa Supreme Court. Mas napapadali kasi ang pagdetermina ng katotohanan at nabibigyan ng mas pagpapatotoo ang inuusisang bagay. Sa kaso ng Iloilo Convention Center, magiging madali ang pagpapalabas ng katotohanan na ito nga ay overpriced, kung madedetermina na sangkot nga ang Hilmarc’s sa overpricing na nangyari.
Ang paglabas pa lang ng pangalang Hilmarc’s sa reklamong ito laban kay Senator Franklin Drilon ay nakapagtataka na isiping may iisang construction firm ang nakakuha ng dalawang malaking proyekto sa kabila ng mahigpit na sistema sa bidding, kung nasusunod nga talaga ang proseso nito. Hindi mo maiiwasang isipin na sa dinami-rami ng mga malalaking construction firms sa bansa, bakit sa Hilmarc’s napunta ang malaking proyektong ito.
Tila lumalabas ngayon na malakas itong Hilmarc’s sa mga lokal na pamahalaan dahil tila suki ito ng mga malalaking proyekto. Ang problema ay suki rin ito sa mga pinaghihinalaang maanolmalyang proyekto na sinasabing overpriced. O baka naman malakas ang Hilmarc’s hindi lang sa mga lokal na pamahalaan kundi baka pati rin sa pamahalaang nasyonal.
KUNG LALABAS nga na overpriced ang parking building sa Makati at sangkot ang Hilmarc’s dito, malamang na may katotohanan ang alegasyon na overpriced din ang Iloilo Convention Center. Maaari na ring pag-ibayuhin pa ang imbestigasyon sa iba pang mga proyeto sa gobyerno noon na Hilmarc’s ang gumawa. Manganganak at manganganak ang mga maanolmalyang proyekto na ginawa ng Hilmarc’s at marami pang mga opisyal at politikong maaaring madamay rito.
Sa kabilang banda, kung mapatutunayan naman na malinis at walang overpricing na naganap sa Iloilo Convention Center at maipakita ito ng kampo ni Drilon at ng mga gabinete ni PNoy, maaari na ring ipalagay na malinis at walang overpricing sa Makati parking lot building.
Mabuti na ring nalalaman natin ang ganitong mga bagay dahil nakatutulong ito para malaman natin kung sino ang mga karapat-dapat na iboto at manatili sa puwesto.
SANA AY maging patas ang Senado sa pag-iimbestiga sa alesgasyong nagdadawit kay Drilon. Ito marahil ang nasa isip ng marami. Pero may isang anggulo rito na nagpapakita ng koneksyon sa pagtawag ni PNoy kay Drilon hinggil sa pakiusap ni VP Binay. Kapwa inamin ni Drilon at PNoy ang tawag na pinag-uusapan ngayon sa mga kanto ng barangay at social media.
May nakikita akong pailalim na motibo sa pagsasa-media nitong tawag ni PNoy kay Drilon at idagdag na rin natin ang pahayag ni PNoy sa mga reporters habang siya ay nasa labas ng bansa. Ito ay ang pagnanais niyang matapos na ang imbestigasyon sa kontrobersyal na overpriced Makati parking building, kasuhan na ang dapat kasuhan at iabsuwelto ang dapat maabsuwelto.
Sa tingin ko ay nakita na rin ng kampo ni PNoy na mukhang sasabit ang kaalyado niyang si Drilon kung magkakataon sa alegasyong overpriced na convention center dahil sa pagkakadawit ng Hilmarc’s. Para wala nang madawit pa o damage control, ‘ika nga ay tapusin na lang ang isyu. Hindi kasi makatatakas si Drilon sa anomalya kung sakaling lumabas nga ang katotohanan na kakuntsaba ang Hilmarc’s sa mga overpriced na proyekto ng gobyerno. At kung tama ang hinala ko ay baka balikan at madamay pati ang Pangulo kung may mga proyekto rin ito na kasama ang Hilmarc’s Construction Corporation.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro, ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo