SEPTEMBER NA naman, simula ng tinatawag na “ber months”. Ito ang opisyal na simula ng pagdiriwang ng Kapaskuhan dito sa Pilipinas ayon sa mga antropolohista at sosyologo. Kung lalabas kayo at tutungo sa mga malls, kapansin-pansin na rin ang ilan sa mga ito na nagsimula nang gumayak para sa pista ng Pasko. Sabi nga ng marami, ramdam na ang simoy ng hangin ng Kapaskuhan.
Ngunit ibang hangin ang tila nararamdaman ngayon ng marami sa ating kababayan. Ito ang hangin ng politika. Ang “ber months” ay nagsisilbing basehang orasan ngayon ng mga “presidentiables” sa darating na 2016 Presidential Elections. Habang lumalapit ang Pasko, mas mararamdaman natin ang tindi ng pulitikahan hinggil sa eleksyon.
Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang mga politikong naglalabas na ng intesyon sa pagtakbo sa pagkapangulo at mga sumisimple para makatakbo sa 2016 Elections. Sa huli, pupulsuhan natin ang sa tingin ko’y mabuting katangian ng isang “presidentiable”.
SIGURADO AKONG pagkatapos na pagtapos ng Kapaskuhan ay bubuhos na ang mga political advertisement sa TV. Gaya ng dati ay ang mga mayayaman ang siyang maghahari sa mga TV stations na paborito nating tinututukan. Ang mga gimik gaya ng paggamit sa mga “mahirap”, “bata”, “kababaihan”, “kalikasan”, at “pagsugpo sa korapsyon” bilang tema ng kanilang plataporma ang tiyak na makikita natin sa mga political advertisement na ito.
Gagamitin din tiyak ang konseptong “LGBT” (lesbians, gay, bisexual, transgender) bilang isang platapormang pagbabago. Ang mga tagpong nakuhanan ng kamera sa mga sakunang dumaan sa ating bansa gaya ng mga bagyo at lindol ay muling babalik-tanawan, ngunit tiyak na bibigyang-diin ang isang kandidatong tumutulong sa mga biktima ng naganap na trahedya.
Mga lumang tugtugin ng politika ang huhuni sa ating mga tenga at tiyak na makukulili ang bawat isa sa ingay na ito. Ngayon pa lang, nagsisimula na ang mga paggawa ng mga political advertisment at political jingles na gagamitin para sa kani-kanilang gimik. Dapat ay paghandaan natin ang pagiging mapanuri sa mga presidentiable at huwag tayo magpadala sa mga magagandang advertisement campaign at jingles.
SA AKING pananaw, naapektuhan nang malaki ang pangunguna ni VP Jejomar Binay sa mga presidentiables ng sumambulat na isyu ng overpricing sa lungsod ng Makati. Ang mahirap sa sitwasyong ganito, hindi na natin makita at mapaghiwalay ang tunay at balidong isyu ng korapsyon sa isang pamumulitika para pabagsakin ang nangungunang presidentiable. Sa huli, ang talo rito ay ang mga mamamayan.
Si Senador Alan Peter Cayenato naman, napapaloob din sa ganitong magkatulad na kalituhan mula sa paningin ng mga tao sa isyu ng pagsisiwalat ng katiwalian o simpleng pamumulitika lamang. Si Cayetano ay kilalang presidentiable at tiyak na nalilito ang mga tao sa kung papaano bibigyang-kahulugan ang kanyang mga kilos. Sa isang banda, mabuti ang intensyon niya sa pagsisiwalat ng katiwalian sa gobyerno gaya ng nagaganap ngayon sa isyu ng overpricing sa Makati City. Ngunit, marami rin ang nagdududa sa sinseridad niya at tila mas matimbang umano ang pamumulutika.
Si Secretary Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government na yata ang may pinakabasang papel bilang presidentiable. Mula sa pagbibigay nito ng daan para kumandidato si PNoy noon sa pagkapangulo at sa pagta-traffic sa kalsada, wala nang nakuhang magandang komento ang Mr. Palengke kundi mga batikos. Tila lahat ng ikilos niya ay isang pamumulitika lamang ang tingin ng mga tao.
Ang dapat nating bantayan ay ang pagbabalik ni Senadora Miriam Defensor-Santiago. Sa huling panayam sa kanya, sinabi niyang ayon sa kanyang mga doctor ay napagtagumpayan ng siyensya at medisina ang kanyang laban sa lung cancer. Ito ang hudyat ng kanyang muling pagbabalik aktibo sa politika. Tila sakto rin sa “timing” ang “the return” ng senadora dahil parang mga talangkang naghihilahan ang mga presidentiables ngayon pababa sa kanilang karera. Handa na umano ang senadora para muling harapin ang pagkapangulo.
ANG MGA Pilipino ay natural na mga emosyonal at ang simpatiya ay laging sa mga taong dumaraan sa paghihirap. Kaya naman matibay ang sandigang “makamahirap” at ito ang nagpanalo kay dating Pangulong Joseph Estrada. Kung matatandaan natin, kung hindi rin namatay si dating Pangulong Cory Aquino, hindi puputok ang pangalang Aquino na ikinapanalo ni PNoy noong 2010. Gamit ang salik na ito ng ating kultura, tila epektibo ang pagbabalik ni Sen. Miriam sa laban bilang isang presidentiable.
Marami ang nalungkot sa kanyang pagkakasakit at tila banta sa buhay ng sinabi niyang mayroon siyang stage 4 cancer. Marami ang nanghinayang sa kanyang talino at katapangan para usisain ang mga magnanakaw sa politika. Ngayong tila magaling na siya, napakagaling din ng istratehiyang pagbabalik sa laban bilang presidentiable. Siya na yata ang magiging kapalit ni Binay sa trono ng pangunguna sa survey ng mga presidentiables.
ISA LANG ang dapat nating bantayan sa darating na eleksyon. Ito ay ang motibo ng isang presidentiable. Kung ang isang presidentiable ay hindi kakawala sa lumang tugtugin ng pamumulitika at pangangampanyang bulok, huwag natin itong iboto. Ito’y dahil sa kung hindi siya makawala sa bulok na sistema ng kampanya, tiyak na hindi rin siya makawawala sa luma at bulok na sistema ng pamamahala.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo