KUNG ANG MGA pedicab driver na sina Jeric Umlas at Joseph Gonzales ang tatanungin, ang Presinto Dos ng Manila Police District ay isang impiyerno.
Noong March 25, 2011, si Jeric ay isa sa mga dinampot ng mga pulis at dinala sa Presinto Dos. Pagdating doon, walang habas na pinagtulungan siyang bugbugin ng mga parak. Pero ang pinakamatindi, nang magsawa na sa kabubugbog, pinatayo si Jeric sa isang sulok at sabay na pinanganga ang bibig.
Kumuha ng pellet gun ang isa sa mga pulis na nakilalang si Major Rodolfo David Fajardo, ang deputy station commander, at ginawang target practice ang butas ng bibig ni Jeric. Ang kasong ito ay naipalabas na sa programang WANTED sa TV ilang buwan na ang nakararaan at nakapagsampa na rin ng kasong kriminal at administratibo si Jeric laban kay Fajardo.
At nitong July 12, si Joseph naman ang napag-tripang damputin ng mga pulis at dalahin sa Presinto Dos. Bago madala sa presinto, nakatikim muna ng mga palo ng posas sa ulo si Joseph. Sa presinto, tiniis ni Joseph ang sakit at hapdi habang hinuhugasan ng mga pulis ang kanyang ulo para tumigil na sa pagdurugo. Hindi nila siya dinala sa ospital.
Sinabi ng mga pulis kay Joseph na inirereklamo siya ng panghoholdap ng isang nagngangalang Maridel Samson Onate. Ayon sa kopya ng memorandum na nakalap ng ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) patungkol sa kaso ni Joseph na nilagdaan ni Fajardo – na ngayon ay OIC na ng Station 2, habang nagpapatrolya raw ang kanyang mga pulis, natiyempuhan nila si Maridel na hinahabol si Joseph at humihingi ng saklolo dahil natangay raw nito ang kanyang N70 na cellphone sa panghoholdap.
Ayon pa rin sa memo, maagap naman daw na nakuwelyuhan ng mga pulis si Joseph at agad na naipuslit patungong presinto bago pa man ito mabugbog ng taumbayan.
Ngunit nang sadyain ng IMKT si Maridel, sinabi niyang hindi siya hinoldap ni Joseph o ng kahit sinuman at hindi rin siya nagreklamo sa Presinto Dos. Nagulat din si Maridel sa pagkakadawit sa kanyang pangalan.
Noong Lunes, nakausap ng IMKT ang spokesperson na si Col. Dionardo Carlos at tinanong namin siya na sa kabila ng reklamong una nang naisampa kay Fajardo, kung bakit na-promote pa ito. Ngayon may bago na namang reklamo laban sa kanya at kanyang mga tauhan. Nangako si Carlos na masusing paiimbestigahan ng NCRPO si Fajardo at ang kanyang mga kasamahan.
DAHIL SA KAGUSTUHAN ng TV5 management na paigtingin at huwag madaliin ang production ng public service show na kinabibilangan ng inyong lingkod at ng mga kapatid kong sina Ben at Erwin, ang T3 – na nauna ko nang naisulat dito na magsisimula sana kahapon, i-nurong ang launching nito sa buwan ng Setyembre.
Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang pagkalap ng mga istorya ng team ng T3 para sa mga unang bakbakang episode nito. Abangan.
Ang IMKT ay mapapanood sa Balitaang Tapat, Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15 pm. Ang WANTED sa TV naman ay mapapanood tuwing Lunes, pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news).
Ang WANTED SA RADYO naman ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo