DAHIL SA napa-lathalang kontrobersiya tungkol sa bangkay at ari-arian ng isang pulitiko, napag-isipan ko tuloy na ayusin na ang katayuan ng pamilya ko. Noon pa ma’y aminado na ang asawa ko na may karelasyon siya roon sa abroad. At nagkasundo na kami na maghiwalay basta’t maayos ang suporta niya sa pamilya namin. Payag na rin kami na maging malaya sa muling pag-aasawa sa iba. Ang balak nami’y gawin ang isang kasulatan na maglalaman ng mga kasunduan namin. Payag kaming pirmahan ito. Tama po ba ang gagawin namin? — Liza ng Maragondon, Cavite
MAGANDA ‘YANG naging tapat kayo sa isa’t isa at sinubukan n’yong ayusin sa malumanay na paraan ang problema n’yo, lalo na ang tungkol sa suporta sa mga bata.
Ang kailangan na lang itanong mo sa sarili ay kung desidido ka nang makipaghiwalay sa asawa mo. Wala na bang pag-asa na kayo ay magkabalikan?
Kung sakali naman na ayaw n’yo na talaga, may problema pa rin sa binabalak n’yong pipirmahang kasunduan. Ang pribadong kasunduan n’yo ng paghihiwalay at pagbibigay-laya sa isa’t isa ay hindi kinikilala ng batas. Sa mata ng batas, kasal at mag-asawa pa rin kayo. Tanging annulment o kamatayan ang lulusaw sa relasyon n’yong mag-asawa. Kung walang annulment, magiging krimen ang pagpapakasal n’yo sa iba.
Siguro ang unang hakbang na dapat mo munang gawin ay kumbinsihin ang asawa mo na hiwalayan ang kanyang kabit. Para naman muling mabuo ang inyong pamilya.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo