Dear Chief Acosta,
ANO PO ba ang rason bakit kailangan magpa-probate ng last will and testament? Namatay na po ang aking ina at nag-iwan daw po siya ng huling habilin. Narinig ko po sa isa kong kapatid na kailangan i-probate iyon. Ano po ba iyon?
Maraming salamat po.
Ness
Dear Ness,
ANG PROBATE ay isang proseso upang patunayan sa harap ng hukuman na ang isang huling habilin o last will and testament ay ginawa ng may akda o testator na mayroong kapasidad at naaayon sa mga pormalidad na nakasaad sa batas. Ito ay ang pagsumite at pagprisenta sa hukuman ng sinasabing last will and testament upang patunayan na ito ay ang tunay na nais at habilin ng testator. Ang tinitingnan lamang ng hukuman sa prosesong ito ay kung ang last will and testament na iprinisenta ay sumusunod sa nakatakda sa batas at kung ito ay may bisa o wala. (Rules of Court Annotated, Paras, p. 219-220, 1990 ed.)
Nakasaad sa batas ang mga kinakailangan upang maaprubahan ang isang huling habilin nang sa gayon ay payagan ng hukuman na hatiin ang mga naiwang ari-arian ng namatay ng naaayon sa nakasaad sa kanyang huling habilin.
Kung magdesisyon ang hukuman na hindi balido ang isang huling habilin, hindi maaaring sundin ang mga nakapaloob dito at ang masusunod ay ang mga nakasaad sa batas ukol sa paghahatian ng mana kung walang iniwang huling habilin ang namatay.
Mainam din na ipaalam namin sa inyo sa pagkakataong ito na mayroong dalawang (2) klase ng huling habilin. Ang una ay ang notarial will at ang pangalawa ay ang holographic will. Ang notarial will ay isang huling habilin na kailangang ipa-notaryo sa isang notaryo publiko. Maliban dito, maraming mga kinakailangang sundin ukol sa porma ng mga ganitong klase ng huling habilin, gaya ng pagkakaroon ng hindi bababa sa tatlong (3) testigo sa pagpirma ng testator ng nasabing dokumento. (Art. 805, Civil Code of the Philippines)
Ang holographic will naman ay isang klase ng huling habilin na ang kabuuhan ay ginawa at pi-nirmahan sa sariling sulat-kamay ng may akda. Kinakailangan din na ito ay may petsa na isinulat din ng testator sa kanyang sariling sulat-kamay. (Art. 810, Civil Code of the Philippines)
Ang parehong klase ng huling habilin ay kinakailangang dumaan sa probate upang ang mga nakasaad dito ay masunod.
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.
Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta