Dear Atty. Acosta,
MAY NAIS po ako ihingi ng advice sa inyo tungkol sa custody ng aking anak. Hiwalay na kami ng asawa ko, kasal po kami. Maaari po ba akong humingi ng sustento kahit walang agreement? Kasi po ang gusto niya bago po siya magbigay ng support sa anak namin ay may kasulatan pa. Ang sabi pa niya ay balak niyang kuhanin ang bata sa custody ko dahil wala raw po akong kakayahan na ibigay lahat ng basic needs ng bata dahil sa wala akong trabaho. Pero nagpupursige po akong makahanap ng trabaho. Sa aspetong custody po, may tendency po bang mapunta sa kanya ang anak namin, dahil lang daw wala akong trabaho? 2 years old pa lang po ang bata. ‘Yun daw po ang gagawin niya pag-uwi niya next year galing abroad. Gagawa raw siya ng court hearing sa korte para sa custody ng bata. Ano po ba ang maaari kong gawin? Ganu’n din po sa hinihingi kong sustento na ayaw niyang ibigay. Natatakot po ako sa kalalabasan ng kanyang gagawin.
Mrs. Virgie
Dear Mrs. Virgie,
MALIWANAG NA ipinag-uutos ng batas na obligasyon ng isang magulang ang magbigay ng suporta sa kanyang anak. Ang suportang ito ay tumutukoy sa kanyang pangangailangan upang mabuhay katulad ng pagkain, damit, gamot, edukasyon at iba pa. Ito ang sinasaad ng Artikulo 194 at 195 ng Family Code of the Philippines.
Ang pagbibigay ng suporta ay maaaring hingiin sa oras na ito ay kailanganin na ng taong may karapatang humingi ng suporta. Subalit ito ay maaaring hindi ibigay sa huli hangga’t wala siyang pasabi na kailangan na niya ng suporta (Article 203, Family Code of the Philippines).
Kung magkaganu’n, ang obligasyon ng iyong asawa na magbigay ng suporta sa kanyang anak ay kailangan niyang gawin mayroon man o walang kasulatan patungkol dito. Hindi niya maaaring iwasan ang obligasyong ito dahil lamang sa kawalan ng kasunduan o kasulatan sa pagbibigay ng sustento. Ito ay hindi niya maaaring tanggihan o bale-walain sapagkat mahigpit itong ipinag-uutos ng batas. Kung siya ay lalabag dito, maaari kang magsampa ng kaso upang siya ay obligahin ng korte para magbigay ng suporta o maparusahan ng pagkakulong.
Kaugnay naman sa iyong katanungan patungkol sa kustodiya o pagkupkop sa iyong anak, sinasabi ng batas na sa paghihiwalay ng mag-asawa, ang kanilang anak ay mapupunta sa isa sa kanila. Kung ang kanilang anak ay may edad na pitong (7) taon pataas, siya ay bibigyan ng pagkakataon upang pumili kung kanino niya gustong sumama. Subalit ang kapakanan o interes pa rin ng bata ang masusunod o magiging pangunahing konsiderasyon, kung sakali mang ang magulang na mapili niya ay walang kakayanan upang siya ay palakihin o alagaan. Kung siya naman ay may edad na hindi tataas o lalagpas sa pitong (7) taon, mananatili siyang nasa poder o kustodiya ng kanyang ina (Article 213, Family Code of the Philippines).
Samakatuwid, ayon sa nasabing batas, sa iyong poder mapupunta ang iyong anak. Subalit kung sa kabila nito, gusto pa rin ng iyong asawa na mapunta sa kanya ang bata, maaari siyang magsampa ng kaso sa korte. Ito ay para hilingin na mapunta sa kanya ang kustodiya ng bata. Subalit kailangan niyang patunayan na ikaw ay hindi karapat-dapat at walang kakayahang palakihin ang bata. Maaari niyang gawin ito sa pamamagitan ng pagpapakita na ikaw ay walang trabaho, imoral, palaging naglalasing, drug addict, nagmaltrato, nagpabaya o nag-abandona ng bata, may diperensya sa pag-iisip o may nakakahawang sakit, kung saan malaki ang magiging epekto nito sa pag-aaruga sa o paglaki ng bata (Pablo-Gualberto vs. Gualberto, GR No. 154994, June 28, 2005, 461 SCRA 450).
Atorni First
By Atty. Persida Acosta