PANSAMANTALANG hindi muna mapapanood sa ABS-CBN ang longest-running teleserye ng bansa na FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin. Kasama ang programa ni Coco sa naapektuhan ng COVID-19 dahill sa pagbabago ng primetime programming ng Dos.
Ibabalik ng ABS-CBN ang mga classic teleseryes na 100 Days To Heaven, May Bukas Pa at On The Wings Of Love sa gabi simula March 16.
Narito ang official statement ng ABS-CBN tungkol sa kanilang special primetime programming due to COVID-19 outbreak.
“Gaya ng una naming ipinahayag, itinigil muna ang taping ng lahat ng mga teleserye bilang pagsunod sa mga patnubay ng pamahalaan kaugnay sa COVID-19 outbreak at para sa kaligtasan ng lahat.
“Hindi muna natin makakasama si Cardo Dalisay at ang mga paborito niyong karakter sa teleserye sa primetime block ng ABS-CBN.
“Simula 16 Marso 2020, muli naming ipapalabas ang mga teleseryeng minahal ng mga Pilipino at ieere ang isang iWant original series para pumalit sa mga programa namin sa gabi.
“Ang “Pamilya Ko” ay papalitan ng teleseryeng “100 Days to Heaven” nina Coney Reyes, Jodi Sta. Maria, at Xyriel Manabat para magbigay ng inspirasyon sa mga manonood.
“Magbabalik naman si Bro sa primetime sa “May Bukas Pa” kasama si Zaijian Jaranilla bilang kapalit ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”
“Ang “Make It With You” ay papalitan ng hit romantic comedy series nina Nadine Lustre at James Reid na “On The Wings of Love.”
“Ang “A Soldier’s Heart” ay papalitan ng mystery thriller na “I Am U,” ang iWant original series ni Julia Barretto, mula Marso 16 hanggang 20.
“Tinitiyak namin sa aming mga manonood na pansamantala lamang ang mga pagbabagong ito. Ibabalik namin ang regular programming ng ABS-CBN kapag bumuti na ang sitwasyon at sigurado kaming hindi malalagay sa alanganin ang kaligtasan at kalagayan ng lahat.
“Ang mga paborito nating teleserye ay patuloy na magbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa inyo, mga minamahal naming Kapamilya.”