Dear Atty. Acosta,
GUSTO KO pong ihingi ng legal na payo ang problema ng aming pamilya sa namana naming lupa.
Meron pong nabiling lupa ang tatay ko at ang isa kong kapatid. Nakasaad sa Deed of Sale na 2/3 po ng lupa ang binayaran ng tatay ko at 1/3 po ay ang sa kapatid ko. 36 hectares po iyong lupa at 8 po kaming magkakapatid. Noong nabubuhay pa po ang aming ama ay wala kaming problema. Nahahati ang lupa ayon sa Deed of Sale. Ngunit ngayong wala na ang aming mga magulang ay nagsimula na kaming magkagulo nang dahil sa lupang iyon. Mula nang mamatay ang aming ama ay kalahati na ng amilyar ng kabuuang lupa ang binabayaran ng aking kapatid. Kung dati, sa halagang Php30,000.00 ay Php10,000.00 lang ang ibinabayad niya, ngayon po ay Php15,000.00 na. At nang maglaon po ay pilit na niyang iginigiit na sa kanya ang kalahati ng lupa dahil siya na ang nagbabayad ng amilyar ng kalahati. Sinubukan namin siyang kausapin pero ayaw na niyang makipag-usap sa amin.
Ano po ba ang dapat naming gawin? Plano na po sana naming paghati-hatiang magkakapatid ang kabuuang 2/3 ng lupa o ang 24 hectares pero iginigiit niyang 18 hectares ang dapat paghati-hatian naming magkakapatid?
Alexander
Dear Alexander,
NAKAKALUNGKOT ISIPIN na kapag mana na ang pinag-uusapan ng magkakapamilya ay natitibag na ang magandang samahan ng mga ito. Nawawala ang pagpapahalaga ng mga magkakapamilya sa isa’t isa. At lalong nagkakagulo ang mga magkakapamilya kung ang yumao ay walang iniwang Huling Habilin o Last Will na siya sanang magiging gabay ng mga naiwan kung paano hahatiin ang mga ari-ariang iniwan.
Aming ipagpapalagay na walang Huling Habilin o Last Will na iniwan ang inyong ama. Ipagpapalagay rin namin na ito lamang ang naiwang ari-arian ng inyong ama.
Ayon sa iyo, ayaw makipag-usap sa inyo ang inyong kapatid. Gayunpaman, ikaw ay aming pinapayuhan na dagdagan pa ang iyong pasensya at hikayatin ang iyong kapatid na daanin na lamang ninyo sa magandang usapan ang inyong problema. Maiging puntahan mo ang iyong kapatid at ipaliwanag sa kanya na mas tatagal ang proseso at lalaki ang inyong gastos kung hindi ninyo aayusin ang usaping ito na kayu-kayo lamang. Mas maganda kung magkakasundu-sundo kayo sapagkat ang kailangan lamang ninyong gawin ay gumawa ng isang Deed of Extrajudicial Settlement of Estate alinsunod sa Section 1 ng Rule 74 ng Rules of Court kung saan paghahatian-hatian ninyo ayon sa inyong kagustuhan ang mga ari-arian na naiwan ng inyong ama. Ang nasabing deed ay kinakailangan lamang na isumite sa Register of Deeds. Ang paghahati-hati sa pamamagitan ng nasabing deed ay kailangang ilathala sa pahayagan ng minsan sa isang linggo sa loob ng tatlong linggo. Sa paggawa ng deed, hindi na ninyo kinakailangan pang magsampa ng kaso sa hukuman at wala nang pagdinig na magaganap.
Subalit kung sa kabila ng iyong pagsusumamo ay hindi pa rin makinig ang iyong kapatid, kinakailangan na ninyong magsampa sa hukuman sa lugar kung saan huling tumira ang inyong ama ng Action for Judicial Settlement of Estate ng inyong ama alinsunod sa Section 1 ng Rule 73 ng Rules of Court upang ang hukuman na ang magdedesisyon kung ilang bahagi talaga ng lupa ang dapat na pumunta sa ari-ariang naiwan ng inyong ama at kung paano ito hahatiin. Sa nasabing aksyon ay kinakailangan ninyong magbayad ng docket fee sa hukuman na nakadepende sa halaga ng ari-arian ng inyong ama, kinakailangan din ninyong kumuha ng abogado upang magrepresenta sa inyo sa kaso, maaaring magtagal ang nasabing kaso dahil may mga pagdinig na magaganap.
Kaya naman kung maaari namang ayusin ang inyong problema sa magandang usapan, pag-usapan muna ninyo ito. At huwag sana ninyong hayaang tuluyang masira ang inyong magandang samahan bilang magkakapatid dahil lamang sa mana.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta