Dear Atty. Acosta,
MAGANDANG ARAW po. Ako ay dalawampu’t limang taong gulang na naka-tira sa Las Piñas. Ang problema ko po ay ang aking birth certificate. Ang nakalagay na kasarian ko ay male gayong ako ay isang babae. Ano po ba ang kailangan kong gawin upang maayos ito? Mahirap po ba ang pagdadaanan kong proseso?
Jennifer
Dear Jennifer,
ANG PAGPAPABAGO o pagtatama ng impormasyon na nakasaad sa tala ng kapanganakan ng isang tao ay kinakailangang maihain sa Local Civil Registrar o kaya naman ay sa hukuman. Kung ang pagkakamali sa nasabing tala ay hindi sinasadya o typographical o clerical error lamang, ito ay maaaring maayos sa pamamagitan ng pagsasampa ng petisyon sa Local Civil Registrar kung saan nakatala ang kapanganakan ng taong nagpepetisyon. Ang halimbawa ng ganitong pagkakamali ay ang maling pagbabaybay ng pangalan o lugar ng kapanganakan. Subalit kung ang pagkakamali ay ukol sa kasarian ng isang tao, kailangan niyang hilingin ang pagsasaayos nito sa hukuman na matatagpuan sa lugar kung saan nakatala ang kanyang kapanganakan.
Sa sitwasyon na inilapit mo sa amin, ang kailangan mong gawin upang maayos ang pagkakamali sa iyong kasarian ay ang maghain ng petition for correction of entry in the civil registry. Kung ikaw ay ipinanganak sa Las Piñas at ang tala ng iyong kapanganakan ay nakarehistro sa Local Civil Registrar ng Las Piñas, ihahain mo ang iyong petisyon sa Regional Trial Court ng Las Piñas. Mahalaga na gawin mong partido sa iyong petisyon ang civil registrar at ang lahat ng taong maaaring maapektuhan sa pagpapalit ng impormasyon ng iyong kasarian sa inyong birth certificate. Sila ay padadalhan ng notice ukol sa inyong petisyon at bibigyan ng oportunidad na dumalo sa pagdinig at makapaghain ng kanilang oposisyon, kung kinakailangan.
Hindi naman mahirap ang pro-seso ng pagpapalit ng nasabing tala. Mahalaga lamang na isumite mo ang lahat ng kailangang dokumento at dumalo ka sa lahat ng pagdinig. Kung mapatunayan mo na balido ang iyong hinihiling sa iyong petisyon at walang seryosong oposisyon ukol dito ay maaaring ipagkaloob ito sa iyo ng hukuman. Ngunit katulad ng lahat ng legal na proseso, kailangan mong mag-ukol ng sapat na panahon para rito.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 2:00 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta