Problema sa Kontribusyon sa SSS

Dear Atty. Acosta,

MAYROON AKONG problema sa aming kumpanya ukol sa aking

kontribusyon sa SSS. Maaari ba akong magsampa sa hukuman ng kasong falsification laban sa aming kumpanya?

Reynaldo

Dear Reynaldo,

UNA PO sa lahat, nais kong sabihin na hindi ninyo nabanggit sa inyong sulat kung ano ang inyong problema ukol sa inyong kontribusyon sa Social Security System (SSS). Kung ang inyong kumpanya ay hindi nakapaghulog ng kontribusyon o kung nakapaghulog man subalit ito ay kulang, maaari kayong sumangguni sa tanggapan ng SSS upang maghain ng kaukulang reklamo.

Nais naming ipaalala na labag sa batas ang hindi paghuhulog ng kumpanya ng mga kontribusyon ng kanilang manggagawa. Batay sa Republic Act No. 8282 o ang tinatawag na Social Security Law of 1997, ang lahat ng mga pribadong manggagawa na miyembro ng Social Security System ay dapat maghulog ng kontribusyon. Ito ay ibabawas sa kanyang buwanang sahod at ire-remit ng kanyang kumpanya sa nasabing tanggapan kasabay ang kontribusyon nito. (Section 22, id) Maliban dito ay maaaring kasuhan ng swindling o estafa ang mga opisyal ng inyong kumpanya dahil alinsunod sa Section 28 (h), id, “Any employer who, after deducting the monthly contributions x x x from his employee’s compensation, fails to remit the said deductions to the SSS within thirty (30) days from the date they became due shall be presumed to have misappropriated such contributions x x x and shall suffer the penalties provided for under Article Three hundred fifteen of the Revised Penal Code.”

Ukol naman sa inyong pagnanais na sampahan ng kasong falsification ang inyong kumpanya, ito ay hindi maaaring gawin sapagkat ang paglabag sa ating criminal laws ay maaari lamang pagbayaran ng isang natural person, at ang kumpanya ay hindi natural person kung hindi ay isang juridical person. Subalit, maaari pa rin namang panagutin ang opisyal ng inyong kumpanya kung inyong mapapatunayan na pinalsipika ang inyong mga dokumento na mayroong kaugnayan sa inyong mga naging kontribusyon sa SSS.

Ayon sa Artikulo 172 ng Revised Penal Code, maaaring maparusahan ang isang pribadong indibidwal kung mapapatunayan na ginawa niya ang isa sa walong paraan ng pagpapalsipika na nakasaad sa Artikulo 171, id. Maaa-ring makulong ang taong gumawa ng krimen at ang parusa nito ay pagkakakulong (prision correccional medium and maximum periods) at pagbabayarin ng fine na hindi hihigit sa limang libong piso. Maaaring ihain ang inyong reklamo sa hukuman ng lugar kung saan naganap ang nasabing pagpapalsipika ng dokumento.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleSobra na ang paggapang sa hirap dahil sa bisyo: sexy actress, tinakasan ang condo na hindi nababayaran!
Next articleTrip trip lang

No posts to display