Dear Atty. Acosta,
ISASANGGUNI KO lang po sana ang problema sa aking marriage certificate. Maaari po bang ipabago sa local civil registrar ang birthday ng asawa ko na nakalagay sa aking marriage certificate? Ang tamang birthday po ay November 5, 1982 pero ang nakalagay sa marriage certificate ay November 5, 1985.
Tess
Dear Tess,
ANG LOCAL civil registrar, sa ilalim ng R.A. 9048 na pinamagatang “An Act Authorizing the City or Municipal Civil Registrar or the Consul General to Correct a Clerical or Typographical Error in an Entry and/or Change of First Name or Nickname in the Civil Register without Need of a Judicial Order, Amending for the Purpose Articles 376 and 412 of the Civil Code of the Philippines, otherwise known as the Clerical Error Law o mas kilala bilang “Clerical Error Law” ay may kapangyarihan lamang na baguhin ang entry sa isang dokumento gaya ng birth certificate at marriage certificate kung may pagkakamali rito na sanhi ng isang typographical error.
Ayon sa Section 2(3) ng R.A. 9048, ang isang typographical error ay isang pagkakamali na sanhi ng pagsulat, paglipat o pagkopya ng isang entry ng civil register na hindi makakasama, gaya ng maling ispeling sa pangalan o maling ispeling sa lugar ng kapanganakan. Ang pagkakamali ay kinakailangang nahahalata kapag ito ay iyong binasa at maaaring itama sa pamamagitan ng pagsuri sa ibang rekord.
Bukod dito, maaari ring baguhin ng local civil registrar ang given name ng isang tao sa kanyang birth certificate kapag kilala na siya sa pangalang ginagamit at ginagamit na ito sa mahabang panahon.
Ngunit kung ang typographical error o pagkakamali ay may kinalaman sa nationality, status, edad at kasarian, kinakailangan na pumunta sa korte para hingin na ito ay maitama sapagkat walang kapangyarihan ang local civil registrar na palitan ito. Kailangan din na pumunta sa korte ang isang tao kung nais niyang mapalitan ang maling inpormasyon na hindi sanhi ng typographical error sapagkat hindi na rin sakop ng local civil registrar sa ilalim ng R.A. 9048 na itama ito.
Sa iyong sitwasyon, hindi maaaring palitan ang November 5, 1982 na nakalagay sa birthdate ng iyong asawa sa inyong marriage certificate ng local civil registrar sapagkat ito ay hindi maituturing na isang typographical error sa ilalim ng R.A. 9048. Ang pagkakamaling ito ay hindi naman obvious o halata kapag ito ay iyong binasa. Kinakailangan pa rin na maghain ka ng petisyon sa korte upang maitama ang naturang pagkakamali.
Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta