Problema sa Naglolokong Asawa

Dear Atty. Acosta,

AKO PO ay isang OFW. Ang problema ko po ay tungkol sa asawa ko na nagloko dahil nagkaroon siya ng kalaguyong ibang lalaki. Noong una pinatawad ko siya kasi nag-promise siya sa akin na hindi na siya uulit. Pero inulit pa rin niya. Noong last April 2007, gumawa na naman siya ng kalokohan. Nagkaroon siya ng kabit malapit sa amin kaya pinalayas ko na siya dala lahat ng kanyang mga gamit. Ang apat naming anak ay naiwan sa akin. Gusto ko po sanang magpa-annul dahil may anak na siya ngayon. Kaso sabi nila mahal daw iyon. Ano po ba ang dapat kong gawin? P’wede po ba akong mag-asawang muli?

Mr. Anonymous

 

Dear Mr. Anonymous,

MASAKIT ISIPIN na habang ikaw ay nagtatrabaho sa malayong lugar, ang iyong asawa naman ay mayroong kinalolokohang iba. Ito ang madalas maging problema ng mga manggagawang Filipino sa ibayong dagat. Sapagkat sila ay malayo sa piling ng kanilang asawa, hindi nila naibibigay ang mga pangangailangan ng kanilang asawa na sila lamang ang personal na makapagbibigay. Dahil dito, may mga pagkakataon na sa ibang tao natatagpuan ang mga katugunan sa mga pangangailangang ito.

Sa iyong sitwasyon, kahanga-hanga ang iyong ginawang pagpapatawad sa iyong asawa noong una siyang nagkamali. Ito ay nagpapakita ng pagmamahal mo sa kanya at sa iyong mga anak. Ganu’n na rin sa pagpapahalaga mo sa pagiging buo ng inyong pamilya. Nakapanghihinayang nga lamang dahil sa kabila ng pagpapatawad mo sa kanya ay nagawa na naman niyang ulitin ang kanyang pagkakamali. Kung kaya ito ang nagtulak sa iyo na makipaghiwalay na sa kanya.

Ang ginawang pagtataksil sa iyo ng iyong asawa hindi lang isang beses kundi dalawa, ang paghihiwalay ninyo at ang pagkakaroon niya ng anak sa ibang lalaki ay nagpapakita na hindi niya lubos na nauunawaan ang obligasyon niya bilang isang asawa. Ito ay isang patunay sa hindi pagtupad ng iyong asawa sa obligasyon niya bilang isang asawa. Ito ay isang basehan upang ideklarang walang-bisa ang inyong kasal. Sinasabi ng batas na kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang depekto sa pag-iisip na nagdudulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama sa iisang bubong, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa ay isang sapat ng basehan para ito ideklarang walang-bisa ang kanilang kasal. (Article 36, Family Code of the Philippines)

Patungkol sa iyong kagustuhang magsampa ng petisyon sa korte para ideklarang walang-bisa ang iyong kasal sa iyong asawa, kakailanganin mo ng serbisyo ng isang abogado upang gumawa ng petisyon at tumulong sa iyo sa korte. Kung hindi mo kayang kumuha ng pribadong abogado at ikaw naman ay kuwalipikado, maaari kang huminig ng tulong sa PAO.

Kaugnay naman ng iyong katanungan kung maaari ka nang mag-asawang muli, hindi mo pa ito magagawa sa ngayon hangga’t hindi pa naidedeklara ng korte na ang iyong kasal sa iyong asawa ay walang-bisa. Kung ito ay iyong gagawin nang wala pang kautusan ang korte na nagsasabing walang-bisa ang iyong kasal sa iyong asawa, wala ring bisa ang muli mong pagpapakasal.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleYoung actor na produkto ng talent search, ikinahiya ang ‘bukol’ sa production number
Next articleHula who?

No posts to display