Dear Atty. Acosta,
MAY PROBLEMA po kasi ang tita ko dahil po sa utang. Nag-issue po siya ng tseke sa financer. Tuwing magre-release siya, tseke po ang ibinibigay niya. 8 percent po interest monthly, 3 months to pay. Inabot po ng P550,000.00 ang utang ng tita ko pati na po interes. Pina-close po ng tita ko ang checking account niya para po hindi na siya ma-charge ng bank. Handa naman pong magbayad ang tita ko. Kung hindi po ba makakatupad ang tita ko na bayaran ang utang niya, makukulong po ba siya kahit po nakikipag-usap siya sa financer at hindi niya po tinatalikuran ang kanyang utang? Anu-ano po ba ang dapat gawin ng tita ko para po hindi umabot sa ganoong sitwasyon? Maraming salamat po.
Aileen
Dear Aileen,
KUNG HINDI tumupad ang tita mo sa pagbayad ng utang niya, ipapapalit na o ipi-prisinta na ang kanyang tseke sa bangko. Dito malalaman na at matatatakan ng “closed account” ang tseke.
Ang pagpapatigil o pagpapasara ng “checking account” ng iyong tita ay magiging dahilan ng pagtalbog nito sa oras na ito ay ipapalit o ipa-encash sa bangko. Dahil dito, maaaring ireklamo sa paglabag sa Batas Pambansa Bilang 22 (BP22) ang iyong tita. Ipinagbabawal ng batas na ito ang pag-iisyu ng talbog na tseke. Ito rin ay nagtatakda ng karampatang kaparusahan na pagkakulong at/o multa ng sinumang lalabag dito.
Subali’t kung ang nasabing tseke ay ipina-encash o ipinapalit sa bangko pagkaraan ng 90 araw, mula sa petsa ng pagka-isyu nito, ang nasabing transaksyon ay hindi na saklaw ng nasabing batas. Kung magkaganu’n, hindi na mapaparusahan ang taong nag-isyu ng tseke sa sandaling ito ay tumalbog, kung ito ay hindi pinasuklian sa bangko sa loob ng nasabing panahon. Ngunit hindi naman ito nangangahulugan na wala na siyang obligasyong bayaran ang halaga na nakalagay sa nasabing tseke.
Kung ganito ang sitwasyon ng iyong tita, maaari pa rin siyang masampahan ng kaso, subalit ito ay kasong sibil na lamang para maobliga siyang bayaran ang kanyang utang. Kung siya naman ay nagbabayad na, maaaring maging walang saysay ang paghahain ng kasong sibil sa korte sapagkat siya ay nagbabayad naman na.
Kaugnay nito, mas makakabuti pa ring ipagpatuloy na lamang ng iyong tita ang pagbabayad niya ng kanyang utang upang hindi na humantong pa sa korte ang paniningil sa kanya.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta