Problema sa Pera? May Solusyon!

Joel-Serate-FerrerMAY PROBLEMA ka ba sa pera? Congratulations, maski ako may problema rin, at ganu’n din ang lahat ng ating kababayan!

Bata, matanda, mahirap o mayaman, lahat tayo ay mayroong challenges na pinadaraanan sa pera. Magmula sa taong grasa na palaging naghahanap ng pagkakakitaan sa kanyang pang-araw-araw na pagkain, hanggang kay Henry Sy na may mga pagsubok din tungkol sa wastong pamamaraan kung paano gagamitin nang tama ang kanyang kayamanan para sa kanyang negosyo at ang kanilang pag-aalay kapwa.

Ang magandang balita ay dahil maraming tao ang dumaan sa mga sari-saring financial challenges na ito, maraming mga tao rin ang nakaisip ng mga sari-saring solusyon sa mga problemang ito.

Sa column na ito, tatalakayin natin ang sari-saring “sources of information” kung saan tayo maaaring makakuha ng wastong payo sa mga problema nating pampinansyal:

Ang Panginoon – Huwag po nating kalilimutan na ang lahat ng pagmamay-ari natin, talento, at iba pang mga biyaya ay galing sa Poong Maykapal. Ang Diyos din ang makapagbibigay ng pinakaperpektong payong pinansyal. Magdasal tayo sa kanya at magbulay-bulay sa mabuting balita ng kanyang banal na aklat upang tayo ay mabigyan nang wastong karunungan at gabay.

KKK o FFF – Ang ibig sabihin ng KKK ay “kakilala, kamag-anak, at kaibigan” ang kahulugan nito sa English ay ang FFF or “family, friends, at friends of friends”. Malamang meron tayong mga kakilala na dumaan o ‘di kaya, puwedeng maka-relate sa financial problem natin. Maaari ring may mga financial professionals katulad ng mga registered financial professionals (RFP) na puwede tayong sumangguni. Samantalahin natin ang pagkakataon na magtanong sa kanila, lalung-lalo na sa mga malalapit na kamag-anak o mga kaibigan. Siguraduhin lang pong sa bawat KKK na ating sasangunian, meron tayong sapat na tiwala sa kanila at meron din silang sapat na kredibilidad at eksperyensa sa paglutas ng problema na iyong hinaharap.

Internet – Marami ring mga libreng payong pinansyal ang puwedeng malikom sa Internet dahil mayroong mga articles, websites, blogs, message boards, etc. na Tagalog o Ingles na tumatalakay sa mga sari-saring financial problems. I-type n’yo lang po ang keywords sa inyong financial problem katulad ng “personal debt”, “health financing problem”, etc. at malamang makatatagpo kayo ng mga website na may mga pera tips na maibibigay sa inyo.

Libro – Tayo ay pinagpala ng Panginoon na biyayaan ng mga “financial guru”, mapa-lokal man o banyaga na maaaring tumulong sa financial problem natin. Sa Pilipinas, nandiyan ang mga libro ni Francisco Colayco, Bo Sanchez, Chinkee Tan, Alvin Tabanag, Efren Cruz, at marami pang iba. Sa labas ng ating bansa, nandiyan naman ang mga libro nina Robert Kiyosaki, Suze Orman, David Bach, at marami pang iba. Ang ilang sa mga foreign books na ito ay mabibili nang brand new sa National Bookstore. Ang ilan naman ay naka-discount sa Booksale.

Matapos nating suriin ang sari-saring sources of information ng financial advice, tignan natin ang pros and cons ng bawat isang suhestyon dahil hindi lahat ng advice ay maaari nating gamitin sa ating suliranin. Maaari nating maikumpara ang financial advice sa gamot. Pag-aralan at piliin ang gamot-pampinansiyal na angkop sa ating financial problem.

Kapag nakapili na tayo ng suhestiyon na angkop sa atin, mangyari lang ay gumawa ng “action plan” kung paano natin ito balak i-apply at i-monitor natin ang resulta nito. Kung ang “action plan” ay nagtagumpay, ipagpatuloy natin ang pag-apply nito. Pero kung hindi naman, kailangan tayong maghanap ng alternatibo.

—————————————-

Si Joel Serate Ferrer ay co-author ng bestselling book na PAANO YUMAMAN: 50 PERA TIPS TO MAKING AND SAVING MONEY. Ang libro na ito ay currently available sa National Bookstore, Pandayan Bookshop, at iba pang mga tindahan.

Pera Tips
by Joel Serate Ferrer

Previous articleAng Final Four Last Season, naglaban-laban muli para sa kanilang First Game
Next articleSino ang hindi “TraPo”?

No posts to display