Dear Atty. Acosta,
NANGUTANG PO kami ng aking asawa sa kanyang kaibigan. Sinangla po namin ang aming bahay at lupa subalit ito ay berbal lamang. Lumipas ang isang taon, hindi po namin nakumpleto ang bayad sa aming utang pati na rin ang napag-usapang tubo nito. Dahil dito, pilit na kaming sinisingil sa aming utang. Dahil din sa nag-aalala kami na mapupunta ang aming bahay sa kaibigan ng aking asawa, napilitan akong magtanong sa bangko kung paano makahihiram ng pera. Isa sa mga kondisyon ng bangko upang kami ay makahiram ng pera ay ang titulo ng lupa. Pinakuha ako ng kopya ng titulo ng lupa sa Registry of Deeds at nalaman ko na nagpatatak pala ang kaibigan ng asawa ko ng isang adverse claim na nagsasabing nakasangla sa kanya ang nasabing lupa simula pa noong kami ay magkasundo sa utang. Ang sabi ng bangko, kailangan daw munang matanggal ang nasabing adverse claim bago pa sila makapagpahiram ng pera sa amin. Ano po ba ang aming gagawin? P’wede na po bang tanggalin iyon kahit di pa kami bayad sa utang?
Joselito
Dear Joselito,
ANG PAGPAPATATAK ng isang “adverse claim” sa titulo ng inyong lupa ay isinagawa ng kaibigan ng iyong asawa upang maprotektahan ang kanyang interes sa nasabing ari-arian. Ang isang adverse claim ay nagsisilbing babala o paalala sa lahat na ang isang tao ay mayroong interes o karapatan sa nasabing lupa.
Ang isang adverse claim ay may bisa lamang sa loob ng tatlumpung (30) araw mula nang ito ay iparehistro. Pagkatapos ng nasabing panahon, maaari nang ipatanggal o ipakansela ng may-ari ng lupa o sino mang may interes dito ang nasabing adverse claim. Ito ay sang-ayon sa Section 70, Presidential Decree No. 1529 na nagsasabi ng mga sumusunod:
“Sec. 70. Adverse claim. – xxx
xxx The adverse claim shall be effective for a period of thirty days from the date of registration. After the lapse of said period, the annotation of adverse claim may be cancelled upon filing of a verified petition therefor by the party in interest: Provided, however, that after cancellation, no second adverse claim based on the same ground shall be registered by the same claimant. xxx”
Maliwanag na kailangan pang maghain ng isang petisyon sa korte para sa pagpapakansela ng isang adverse claim. Dahil dito, kailangan ninyo ng serbisyo ng isang abogado para tumulong sa inyo sa paggawa ng petisyon at magrepresenta sa inyo sa korte.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta