Problemado sa Kasal

Dear Atty,

 

SANA PO ay mabigyan ninyo ako ng advice tungkol sa aking problema at kasagutan sa aking mga katanungan. Ako po ay may asawa ngunit almost four years na kaming hiwalay dahil nagkaroon siya ng affair sa ibang lalaki at nabuntis siya at nagsama sila pero namatay po ang bata at naghiwalay din sila noong lalaki. Kami naman po ay may 3 anak at kahit paano naman ay nakapagbibigay naman ako sa mga anak namin na nasa pangangalaga niya. Ang alam ko po ay hindi biro ang magpa-annul ng kasal dahil malaking pera ang kakailanganin. Gusto ko po sanang malaman kung maliban ba sa 1,000,000.00 na gagamitin sa annulment, meron pa po bang ibang alternatives para mapawalang-bisa ang kasal namin na hindi naman gagastos nang ganoon kalaki dahil mahirap pong kitain ang ganoong pera? 

 

Gumagalang,

Teody

 

Dear Teody,

 

ANG TANGING paraan upang maputol ang legal na buklod ninyong mag-asawa ay ang pagsasampa ng kaukulang petisyon sa harap ng hukuman upang ipadeklarang walang-bisa o ipawalang-bisa ang inyong kasal. Ang kasal ay isang espesyal na kontrata ng walang hanggang pagsasama ng isang babae at lalaki na pinangangalagaan ng batas. (Art. 1, Family Code of the Philippines) Dahil dito, iilan lamang ang mga basehan na maaaring gamitin upang makapaghain ng mga petisyong nais isantabi ang pagbubuklod ng mag-asawa at ang mga ito ay nakasaad sa batas.  (Arts. 35, 36, 37, 38, 45 at 53, Family Code of the Philippines)

Walang ibang paraan upang maputol ang inyong legal na relasyon ng inyong asawa maliban dito. Tanging ang hukuman lamang ang maaaring magdeklarang walang-bisa o magpawalang-bisa ng isang kasal at wala ng iba. Hindi maaaring ilagay ng mga partido sa kanilang mga kamay ang pagdedesisyon kung wala nang bisa ang kanilang kasal sa pamamagitan lamang ng pagkakasundo ukol dito o sa pamamagitan ng pisikal na paghihiwalay.

Sa aming palagay kung private lawyer ang hahawak ng kaso ninyong annulment ay hindi naman aabot ng isang milyon. Exhorbitant po naman kung ganoon.

Kung kayo ay walang kakayahang kumuha ng serbisyo ng isang pribadong abogado, maaari kayong lumapit sa aming Tanggapan upang kayo ay mabigyan ng kaukulang legal na serbisyo. Kinakailangan lamang na inyong mapatunayan na kayo ay kwalipikadong maging kliyente ng aming Tanggapan sa pamamagitan ng paggawa ng Affidavit of Indigency at pagsusumite ng alinman sa mga sumusunod na dokumento: 1. Pinakabagong “Income Tax Return”, “payslip or other proof of income”; 2. “Certificate of Indigency” mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng lugar kung saan kayo ay naninirahan; o 3. “Certificate of Indigency” mula sa barangay chairman ng Barangay na nakakasakop sa lugar kung saan kayo ay naninirahan. (Section 3, Article II, PAO-Memorandum Circular No. 18, Series of 2002, as amended by Memorandum Circular No. 02, Series of 2010)

Ayon sa mandato ng aming Tanggapan, ang pangunahing tungkulin ng PAO ay ang pagbibigay ng legal na serbisyo sa mahirap na sektor ng ating lipunan o sa mga indigent. At dahil nga libre ang serbisyong aming ibinibigay, kinakailangan naming makasigurado na ang pinaglilingkuran namin ay iyong mga taong tunay na nangangailangan nito. Ang mga sumusunod ay tinuturing na mga indigent: 1. If residing in Metro Manila, whose net income does not exceed Php14,000.00 a month; 2. If residing in other cities, whose net income does not exceed Php13,000.00 a month;

3. If residing in other places, whose net income does not exceed Php 12,000.00 a month.

The term “net income” as herein employed shall be understood to refer to the income of the litigant less statutory deductions.

Statutory deductions shall refer to withholding taxes, GSIS, SSS, Pag-Ibig, Health Insurance and PhilHealth premiums as well as mandatory deductions.” (Section 3, Article II, PAO-Memorandum Circular No. 18, Series of 2002, as amended by Memorandum Circular No. 02, Series of 2010)

Ukol naman sa inyong katanungan hinggil sa inyong gagastusin sa paghahain ng mga ganitong petisyon, kung kayo ay kwalipikadong maging kliyente ng aming Tanggapan, wala kayong babayaran para sa serbisyo ng aming abogado. Gayun din naman, kung kayo ay magiging kliyente ng aming Tanggapan, hindi na ninyo kinakailangang magbayad ng filing fee sa hukuman. (Section 16-D, Republic Act No. 9406)

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleCarla vs Marian Tapatan
Next articleJericho Rosales, ‘di ginawang showbiz ang relasyon kay Kim Jones

No posts to display