Dear Atty. Acosta,
ANG PANGALAN ko po ay Jen at kasalukuyang namumurublema sa spelling ng aking pangalan. Ang nakalagay po kasi sa birth certificate ko galing sa NSO ay “Jenna” at mali rin po ang nakalagay na gender. Imbes po na female ay “male” po ang nakalagay.
Iyong midwife po kasi na nagpaanak sa aking ina ang napa-register sa akin. Kaya lang palpak po kasi “male” ang nakalagay at noong pinirmahan ng nanay ko, hindi na rin niya napansin ang maling spelling at gender. Ako po ay 25 taong gulang na at Jehan po ang ginamit kong pangalan hanggang sa makatapos ako ng kolehiyo. Nagbabalak na rin kaming magpakasal ng boyfriend ko. Kung sakali po, makahahadlang po ba ito sa plano kong pagpapakasal? Ano po ang mga dapat na gawin upang maayos ko ito? Malaki po kaya ang magagastos? May nagpayo po sa akin na magpa-late register na lang daw ako. Tama po ba ang suhestiyon na ito?
Sana po ay mabigyan ninyo ako ng malinaw na kasagutan sa aking naturang suliranin. Maraming salamat po.
Sumasainyo,
Jen
Dear Jen,
BAGO ANG lahat, nais naming malaman mo na hindi kailanman magiging hadlang ang maling spelling ng pangalan mo at maling kasarian sa iyong birth certificate sa iyong pagpapakasal sa iyong kasintahan. Sapagkat ang mga sumusunod lamang na essential at formal requisites ang kinakailangan upang ikaw ay magpakasal:
Ang essential requisites ay ang mga sumusunod: 1) Legal capacity ng mga ikakasal na dapat ay lalaki at babae. Ang legal capacity ay tumutukoy sa edad ng mga ikakasal na dapat ay may edad na labing-walong (18) taong gulang o pataas; 2) Consent na kusang loob na ibinigay ng mga ikakasal sa harap ng solemnizing officer. (Article 2, Family Code)
Ang formal requisites naman ay ang mga sumusunod: 1) Authority ng solemnizing officer; 2) Isang valid marriage license maliban sa mga pagkakataong tinukoy ng batas kung saan ang marriage license ay hindi kinakailangan; 3) Isang marriage ceremony na gaganapin kung saan ang mga ikakasal ay haharap sa isang solemnizing officer at personal na idedeklara ng mga ikakasal na tatanggapin nila ang bawat isa bilang mag-asawa sa harap ng mga saksi na hindi kukulangin sa dalawa na nasa hustong gulang na (Article 3, Family Code).
Kung ang mga nabanggit ay nasunod at naisakatuparan mo, walang problema sa iyong kasal.
Gayunpaman, upang mawala ang iyong agam-agam tungkol sa maling spelling ng iyong pangalan at maling kasarian sa iyong birth certificate, mainam na ngayon pa lamang ay ipawasto mo na ito sa pamamagitan ng paglagak ng Petition for Correction of Entry sa hukuman sa lugar kung saan ang iyong kapanganakan ay nakarehistro. Hindi tama ang naging payo sa iyo na dapat ay magpa-late register ka na lamang sapagkat ang pagpapa-late register ay ginagawa lamang ng taong kahit kailan ay hindi nairehistro ang kanyang kapanganakan. Sa iyong sitwasyon, ang kapangakan mo ay nairehistro, iyon lamang ay may maling impormasyong nailagay sa iyong birth certificate na maitatama lamang sa pagsasampa ng nabanggit na petisyon sa hukuman.
Kaugnay nito, kinakailangan mo ang serbisyo ng isang abogado sa pagsampa ng petisyon. Paalala lamang na maliban sa ilalaan ninyong bayad sa abogado ay kailangan din ninyong maglaan ng pambayad sa filing fee at sa gagawing paglathala (publication) ng iyong petisyon sa pahayagan. Kung wala kayong kakayahang kumuha ng pribadong abogado, ikaw ay maaaring magsadya sa aming District o Regional Office na malapit sa lugar kung saan nakarehistro ang iyong kapanganakan upang matulungan ka ng aming tanggapan (Public Attorney’s Office). Kalimitang matatagpuan ang aming mga District o Regional Office sa Hall of Justice ng City o Municipal Hall ng bawat bayan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta