Problematic Immunity; at Bagman ni Gen. Estipona

KALANTARIIN MUNA natin, parekoy, itong bagong upong Director ng Southern Police District na si C/Supt. Benito Estipona.

Sa totoo lang, naniniwala tayong may malinis na hangarin sa kanyang pagiging SPD Director itong si Gen. Estipona.

Ang problema lang, parekoy, habang nagtatrabaho si General ay masigasig namang tinatrabaho rin nitong si Sgt. Dizon ang lahat ng iligalista sa buong Southern part ng Metro Manila.

Ipinangangalandakan ni Dizon na obligadong sundin ang kanyang “tara” dahil siya ang nagwagi sa bidding.

Dahil dito, obligado umano siya na malikom tuwing Lunes ang halaga na dapat niyang i-remit sa tanggapan ni Director.

Talaga namang katakot-takot na brasuhan ang naganap, parekoy, hehehe.

Buti nga sa inyong mga iligalista kayo. Kung hindi ninyo kayang ibigay ang hinihingi ni Sgt. Dizon tuwing Lunes ay tumigil na lang kayo!

Dahil hindi naman siyempre papayag si Dizon na ‘yung remittance lang ang maipon niya tuwing Lunes. Dapat may matira na para sa kanya… siya yata ang pagod at gasgas ang mukha! Kaya kailangang malaki ang mapunta sa kanya. Hak, hak, hak!

Sandali, parekoy, totoo nga kaya Gen. Estipona, Sir, na itong si Sgt. Dizon ang nanalo sa bidding? ‘Langya naman, akala mo legal! He, he, he.

Kung sakaling bukol ang inabot mo sir eh, text mo lang ako para ilutang ko ang mga nagsusumbong!

Pero kung totoo naman eh, tahimik ka na lang sir. ‘Wag mo na ring paim-bestigahan itong si Sgt. Dizon.

KUNDI BA naman sandamakmak na kagaguhan yata ang nasa kukote nitong mga opisyal ng Department of Foreign Affairs.

Aba eh, sukat ba namang mag-isyu ng sertipikasyon ang mga halimaw na taga-DFA na nagpapatunay na mayroon umanong “diplomatic immunity” ang isang nagtatrabaho sa Panamanian embassy rito sa Pilipinas.

Kaya wala pang isang oras simula nang maisampa ang kasong rape laban sa nasabing Panamanian ay iniurong na ang kaso.

Kaya hayun… mabilis pa sa sibat na sumirit pauwi ng Panama ang b’wakang inang rapist na ‘yun!

Nakalimutan lang kaya o nagtanga-tangahan ang mga hinayupak na taga-DFA hinggil sa usapin ng Diplomatic Immunity?

Kasi naman, parekoy, grabeng kabobohan na nila kung hindi alam na ang diplomatic immunity ay ipinagkakaloob lamang sa isang diplomat na ang kasong kinasasangkutan ay kunektado sa kanyang trabaho bilang diplomat.

Ang panggagahasa ba ay trabaho o kunektado sa trabaho ng isang diplomat?

O baka naman may dolyares na nangusap sa mga taga-DFA kaya nagawa nilang magtanga-tangahan?

Sec. Albert del Rosario, palitan mo na siguro sir o kaya’y kasuhan ‘yang mga tauhan mong sangkot sa issuance ng nasabing “problematic immunity”.

Bago ka mahawaan ng kanilang katangahan o katusuhan, sir! P’we!

PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME 1530 kHz, AM band, alas 6-7 ng umaga, Lunes-Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction, ipaabot lang sa [email protected] o CP nos. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMabilis, Matipid… Pero Mapanganib
Next articleMayor Erap

No posts to display