Dear Atty. Acosta,
AKO ANG complainant sa isang Labor case. Inireklamo ko ang aking amo dahil tinanggal ako nang walang dahilan. Sa mga hearing namin, hindi nagpakita ang aking amo. Tanging ang kanyang assistant ang nakikipag-usap sa akin. Naka-tatlong hearing kami pero walang nangyari, kaya inutusan na kami ng labor arbiter na magsumite ng position paper sa susunod na hearing. Tama po ba ang naging proceeding sa aking kaso?
Val
Dear Val,
ANG ISANG labor case ay inuumpisahan sa pamamagitan ng pagsasampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC). Pagkatapos na maisampa ang reklamo ay maglalaan ang labor arbiter ng panahon upang maayos ang problema sa pagitan ng employer at employee. Ang pag-uusap na ito upang mapagkasundo ang mga partido ay tinatawag na mandatory mediation and conciliation conference. Karaniwang naglalaan ang arbiter ng dalawang hearing para rito. Kapag nagkasundo ang mga partido na ibigay ang demands o hiling ng bawat isa upang matapos na ang kaso ay pipirma ang mga partido kasama ang labor arbiter sa isang compromise agreement. Sa mandatory mediation and conciliation conference, maaaring irepresenta ang mga partido ng kani-kanilang abogado o ibang tao. Ang abogado o representante ay may kapangyarihan upang makipag-usap sa ngalan ng partidong kanyang inirerepresenta. Ngunit hindi siya maaaring pumasok sa isang compromise agreement kung walang Special Power of Attorney (SPA) o express consent galing sa taong kanyang inirerepresenta (Section 9, The 2005 Revised Rules of Procedure of the National Labor Relations Commission).
Regular po ang naging proceeding sa conference na naganap kaugnay ng reklamong isinampa mo laban sa iyong employer kahit na hindi pumunta ang mismong employer mo sa mga itinakdang pagdinig sapagkat siya naman ay inirepresenta ng kanyang assistant. Maaari ring pumasok sa isang compromise agreement ang iyong employer sa pamamagitan ng kanyang assistant kung may dalang SPA ang naturang tao.
Kapag hindi nagkasundo ang mga partido na tapusin ang kaso sa pamamagitan ng pagpasok sa isang compromise agreement ay ipag-uutos ng labor arbiter na magsumite na sila ng kani-kanilang posisyon paper. Maaari ring magkaroon ng pagdinig kung may mga bagay na nais na liwanagin ang labor arbiter (Section 3, 4, 8, The 2005 Revised Rules of Procedures of the National Labor Relations Commission)
Atorni First
By Atty. Persida Acosta