NAPAKA-UNFAIR NAMAN KUNG totoo na kaya magtatapos ang top-rating primetime soap ng GMA-7 na Iglot ay dahil sa ayaw nang tapusin ito ni Claudine Barretto. Dahil na nga rin sa kanyang pinagdaraanang problema sanhi ng pagkawala ng kanyang pinaghirapang pera na tumataginting na P5 million.
Kung saan ang nakakaawa ay ang mga tao sa produksiyon ng Iglot, mula sa utility hanggang sa mga artista na bigla na lang mawawalan ng trabaho dahil lang sa ayaw na ni Claudine. Kung kailan nga raw magpa-Pasko, tsaka sila mawawalan ng trabaho.
Mabuti raw si Claudine, mayaman at may pera. Papaano naman daw ang mga tao sa produksiyon na umaasa lang sa kinikita sa Iglot? Kung sa bagay, wala raw magagawa ang mga ito kung sinumpong ng topak si Claudine at gusto na nitong iwan ang Iglot, kahit pa maraming taong madadamay.
Sarili lang daw ni Claudine ang kanyang inisip na malayong-malayo kay Camille Prats na mas malalim at mas grabe ang pinagdaraanan sa pagkamatay ng kanyang asawa, pero hindi nito iniwan ang show at nag taping pa rin. Kaya naman daw saludo ang mga tao sa likod ng produksiyon ka’y Camille sa pagiging professional nito pagdating sa trabaho.
“I’M SINGLE BUT happy!” Ito ang naging kataga ng bida sa pelikulang Aswang ng Regal Films na si Lovi Poe nang makausap namin sa radio program ni Kuya German Moreno sa DZBB, ang Walang Siyesta.
Inamin ni Lovi na marami raw nagpaparamdam nang i-announce nito na loveless siya, pero wala raw time si Lovi para ma-in love muli. Mas gusto raw niyang mapag-isa muna at tutukan ang kanyang trabaho, lalo na raw at sunud-sunod ang magagandang projects na duma-rating sa kanya.
Nakapanghihinayang naman daw kung mas ipa-priority niya ang kanyang buhay-pag-ibig at isasantabi muna ang kanyang blooming career. Kaya naman daw mas pinili niya ang kanyang papagandang career at tsaka na lang ang ma-in love muli.
Naniniwala raw ito na darating din ang oras na kailangan niyang bigyan na ng oras ang kanyang puso at gusto nito na kapag dumating ‘yung time na ‘yun, matagpuan na niya ang kanyang Prince Charming na kanyang mapapangasawa, makakasama at mag-aalaga sa kanyang pagtanda.
HANDA NANG MANAKOT ang TV5 sa pagbabalik-telebisyon ng sumikat noong dekada ‘80 na horror series sa bansa, ang Regal Shocker, na mapapanood na tuwing Sabado ng gabi after The Jose and Wally Show featuring Vic Sotto, mula sa Nov. 5.
Sa pagsasanib-puwersa ng TV5 at ng Regal Multimedia, Inc., magagandang kakatakutang palabas at mga sikat at bigating artista’t direktor ang hatid nito mula sa pilot episode na ‘Elevator’ na pagbibidahan nina Niña Jose at Gabby Concepcion.
Na susundan ng 2nd episode na ‘Red Shoes’ bida sina Ruffa Guttierez, Wendell Ramos at Lara Quigaman. Habang sina Edgar Allan Guzman at Alex Gonzaga naman ang magbibida sa 3rd Episode sa ‘Piano’, ang pang-apat na episode na ‘Resort’ ay pagbibidahan ni John Lapus, at pang-limang episode naman na ‘Kulam’ ay pagbibidahan ni Martin Escudero.
MAGKAKAROON NG GRAND Fans Day/ Birthday Show ang Tween Hearts, Iglot at Master Showman mainstay na si Hiro Magalona sa darating na Linggo, Nov. 6, 4 p.m. sa 3rd floor ng SM City North Edsa Main Bldg.
Kung saan magiging espesyal nitong panauhin ang kanyang mga co-Tweens na sina Teejay Marquez, Kristoffer Martin, Rhen Escano at ang ka-loveteam nitong si Kim Komatsu. Darating din ang kaibigan nito sa showbiz na si Gigger Boys member na si Benjamin De Guzman, UPGRADE, Dance Squad dancers, atbp.
MULA SA BUMUBUO ng Pinoy Parazzi at sa aming Patnugot na si Danilo Flores, condolence sa naiwang pamilya, kamag-anakan at kaibigan ng aming auntie na si Mrs. Juaning Varias na yumao noong Nov. 1.
John’s Point
by John Fontanilla