Dear Atty. Acosta,
GUSTO KO PONG malaman kung ano po ba ang proseso sa pagpapawalang-bisa ng marriage contract? Nabasa ko po sa article ninyo na walang bisa ang kasal kapag walang marriage license, ganoon po kasi ang nangyari sa akin. Saan po ba pupunta? Marami pong salamat sa inyo.
Angie
Dear Angie,
KUNG NAIS NINYONG ipadeklarang walang bisa ang inyong kasal, ang una ninyong kailangang gawin ay kumuha ng abogado upang matulungan po kayo sa pagsasampa ng inyong petisyon sa hukuman. Tanging ang hukuman lamang ang maaaring magdeklarang walang bisa ang isang kasal.
Ayon sa ating batas, maaaring magsampa ng petisyon upang ipadeklarang walang bisa ang isang kasal sa Family Court ng lugar kung saan naninirahan ang “petitioner” o ang “respondent” nang anim (6) na buwan bago isampa ang nasabing petisyon. Kung ang “respondent” naman ay pansamantalang naninirahan sa Pilipinas, maaaring isampa ang nasabing petisyon laban dito sa lugar kung saan siya matatagpuan sa Pilipinas. Ang desisyon ng pagpili kung saang lugar ilalagak ang ganitong petisyon ay ibinibigay ng batas sa “petitioner”. (Sec. 4, A.M. No. 02-11-10-SC, Rule on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages)
Kapag naisampa na sa kaukulang hukuman ang inyong petisyon, magpapadala na ng “summons” o patawag ang hukuman sa inyong asawa upang sagutin niya ang mga alegasyon na nakapaloob sa inyong petisyon. Kapag hindi sumagot sa takdang panahon ang inyong asawa, uutusan ng hukuman ang “public prosecutor” upang magsagawa ng im-bestigasyon kung may sabwatan sa pagitan ninyong mag-asawa at magbigay ng ulat ukol dito. Kung napag-alaman ng na may sabwatan sa pagitan ng mga partido, ito ay ipagbibigay alam niya sa hukuman. Ipag-uutos naman ng hukuman sa mga partido na magsumite ng kanilang komento ukol sa nasabing ulat. Kapag nakumbinsi ang hukuman na may sabwatang nangyayari, kagyat na ididismis ng hukuman ang petisyon. (Section 8 and 9, A.M. No. 02-11-10-SC, Rule on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages)
Kung wala namang nakitang sabwatan ang prosecutor at ito ay inulat niya sa hukuman, ang susunod na hakbang sa proseso ay ang “pre-trial”. Pagkatapos ng “pre-trial”, diringgin na ang inyong petisyon at kayo ay kailangan nang magpresinta ng ebidensya upang patotohanan na talaga ngang wala kayong “marriage license” nang kayo ay ikinasal at ang inyong sitwasyon ay hindi nabibilang sa mga pagkaka-taong hindi kinakailangang kumuha ng “marriage license” ayon sa nasasaad sa Article 27 hanggang Article 34 ng Family Code.
Upang masimulan ang prosesong nabanggit, inuulit namin na kinakailangan ninyo ng serbisyo at representasyon ng isang abogado na kakatawan sa inyo sa harap ng husgado.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta