MUKHANG NAPAAGA ang pagdating ng tag-init sa Pilipinas. Aba, pagpasok pa lamang ng buwan ng Marso, sinalubong na agad tayo ng temperatura na umaabot sa 31 hanggang 33 degrees Celsius! Kay init nito. Paano na lamang kung Abril at Mayo na? Paniguradong mas iinit pa. Kaya naman kabilaan na ang paghahanda ngayong darating na summer. Hindi paghahanda patungkol sa mga engrandeng beach outing kundi paghahanda upang makaiwas sa mga masasama sa kalusugan na puwedeng mangyari sa lahat dulot ng tag-init.
Kapag tag-init, kung mapapansin ninyo, kalat na kalat ang panawagan sa mga lunas sa kagat ng aso. Hindi ba, diyan sa mga bara-barangay ninyo, paniguradong may mga libreng bakuna silang ipinatutupad kontra rabies. Ito ay sa kadahilanan na kapag summer, dumarami ang bilang ng mga tao na nakakagat ng aso at nadadapuan ng rabies. Ito ay ayon sa Department of Health.
Puro mga bagets at chikiting pa ang karaniwang nagiging biktima ng kagat ng aso dahil bakasyon nga, wala silang pasok kaya libreng-libre silang nakagagala at nakalalaro sa labas ng bahay. Kaya naman, kung may pagkakataon nang ibinibigay sa inyo gaya ng libreng bakuna kontra rabies, huwag n’yo nang palagpasin ito. Tandaan, mas mainam ng maging handa kaysa magpagamot kung kailan nakagat na ng mga aso. Mas mahal ito at mas delikado. Dahil ang rabies mula sa kagat ng aso, kapag hindi naagapan ay maaaring ikamatay pa ng taong nakagat. Karagdagan lamang, kapag nakagat ka na ng aso, huwag ka nang magmagaling at magdoktor-doktoran sa paglalagay ng kung anu-anong ritwal. Dumiretso na agad sa pinakamalapit na ospital at kumonsulta sa doktor para maagapan ang kumplikasyon.
Kapag tag-init, hindi lahat ng bagets ay naka-bakasyon. Ang iba riyan ay may summer class, ang iba naman may OJT, ang iba rin ay may mga summer job kaya kahit bakasyon, araw-araw pa rin silang pumapasok. Kaya naman, bilang proteksyon ngayong tag-init, mabutihing maglagay ng mga proteksyon sa balat gaya ng moisturizer, toner, at sunblock. Kapag tag-init pa naman, diyan nauuso ang mga sakit-sakit sa balat gaya ng sunburn at bungang-araw.
Kapag tag-init din, ugaliing uminom ng maraming tubig. Ito ay magandang pangontra sa sobrang init sa labas at pangontra sa hilo na puwedeng makuha dahil sa sobrang init sa labas, at pangontra rin sa heat stroke. Kapag summer pa naman, kay raming tinatamaan ng heat stroke. Ang nakagugulat pa, hindi na lang matatanda ang nagiging biktima ng heat stroke dahil pabata na nang pabata ang mga taong tinatamaan nito.
Ngayong tag-init din, magsuot ng mga kumportableng damit para hindi mainitan at pagpawisan nang husto. Dahil nga sa mainit ang panahon, maaari ring matuyuan agad kayo ng pawis na siya namang nakasasama sa kalusugan dahil puwede itong magdulot ng sakit gaya ng lagnat. Mas masarap din sa pakiramdam ang pagiging presko. Puwede rin kasi na naligo ka nga, pero ang damit mo naman ay turtle neck at leather pants, naku po. Kay init n’un. Sabi nga nila, fashion over comfort dapat tayo kumbaga.
Mga bagets, kung wala namang importanteng lakad ngayong tag-init, mainam na maglagi na lang sa bahay at huwag nang lumabas upang hindi na maranasan ang mga kumplikasyong dala ng tag-init.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo