MARAMING TAON na ang nakararaan nang unang punta ko sa Amerika, madalas akong matanong noon ng mga Amerikano kung saang bansa ako nanggaling dahil marahil halatang bagong salta ako. Sa tuwing sinasabi ko na ako ay Pilipino, ang karamihang reaksyon ng mga nagtatanong kundi man may kakilala silang nakapangasawa ng Pilipino, may kapit-bahay silang Pilipino. May mga nagbanggit din ng balot, dinuguan at pansit na ipinatikim sa kanila ng kakilala nilang Pilipino.
Noon ‘yun. Iba na ngayon, malayo na talaga ang narating ng mga Pilipino. Kamakailan, nagbakasyon ako sa New York kasama ang aking pamilya. Sa isang city tour kung saan nagsama-sama ang mga turistang tulad namin sa isang bus na pinamumunuan ng isang Amerikanong tour guide, isa-isang tinanong ang mga pasahero kung saan mga nanggaling. Isang mag-asawa ang nagsabi na sila ay nanggaling pa ng Paris, France. Agad ibinida ng tour guide ang Eiffel Tower. Isang pamilya naman ang nagsabing sila ay taga-Egypt. Mabilis na binanggit ng tour guide ang Pyramid. Hanggang sa dumating sa amin ang pagtatanong at mabilis na sinabi kong kami ay nagmula pa sa Pilipinas. Inaasahan kong babanggitin niya ang underground river ng Puerto Princesa dahil iyon ay binigyang pagkilala ng Guinness World Record kamakailan bilang isa sa mga Wonders of the World.
Pero sa halip, buong yabang na ibinida niya si Pambansang Kamao Manny Pacquiao. Nang mapunta naman ako sa isang sports bar kasama ang aking mga Pilipinong barkada kinagabihan. Ibinibida ng mga nagbibilyar na mga Amerikano sa amin si Efren Bata Reyes.
‘Di man nakikilala ang Pilipinas dahil sa mga kamangha-manghang tanawin pero sumisikat ang mga Pilipino sa Amerika dahil sa angking galing ng mga kababayan natin tulad nina Pacquiao at Reyes. Pero ‘di lamang sa Amerika nakikilala ang mga Pilipino dahil sa galing sa larangan ng sports at iba pa kung hindi maging sa iba’t ibang sulok ng mundo.
KAPAG MAPUNTA ka naman sa Daly City, California, at nakakita ka ng isang magarang sasakyan na naka-park sa isang restaurant o mall, malamang kababayan nating Pilipino ang may-ari noon. Maraming mga kababayan natin ang nakatira sa nasabing siyudad na pawang mga nagtagumpay sa kanilang mga pagsusumikap.
Ngunit ‘di lamang sa Daly City kundi pati sa ibang parte ng California tulad ng Union City, Vallejo, Hayward, San Jose at iba pa makikita mo ang katas ng tagumpay ng mga Pilipino. Mapapansin mo ang naglalakihang mga bahay na pag-aari ng mga kababayan natin.
Naging matagumpay rin ang mga kababayan natin sa larangan ng pulitika sa iba’t ibang parte ng Amerika. Marami na ring mga naglalakihang negosyo na pag-aari ng mga kababayan natin ang nagkalat sa California.
Paborito ng mga employer na Amerikano bilang mga empleyado ang mga Pilipino dahil sa kasipagan. Hindi alintana sa ating mga kababayan ang hirap sa pagtatrabaho, bagkus madalas silang inaasahan ng mga kumpanya na magtrabaho ng overtime sa panahon ng mga holidays kung saan maraming mga Amerikano ang mas gugustu-hing magbakasyon.
‘Di tulad ng mga bagong salta sa Amerika na ibang mga estranghero na hindi makapag-Ingles, lahat ng bagong saltang Pilipino ay nakapagsasalita ng wika ng mga Amerikano. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit madaling makapaghanap ng trabaho sa Amerika ang mga kababayan natin. Kaya Filipino, Mabuhay ka!
Shooting Range
Raffy Tulfo