WALA NA nga sigurong makapipigil sa mabilis na pagtakbo ng panahon. Dati-rati, ang tambalang Marvin Agustin at Jolina Magdangal ang click na click. Ngayon, marami nang nagsusulputang love teams gaya nina Liza Soberano at Enrique Gil, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, at ang sikat na sikat ngayon na sina Alden Richards at Yaya Dub.
Dati-rati rin, Friendster ang uso. Hindi natin makalilimutan ang mga gamit na gamit na features ng Friendster gaya Shoutout, Who’s Viewed Me, Featured Friends, at Testimonial. Pero ngayon, Facebook na ang in na in! Ganoon na nga ba talaga kabilis ang pag-ikot ng mundo? May maluluma at maluluma at may papalit na bago.
Pero alam n’yo ba mga bagets, aking napagtanto na may mga bagay pa rin talaga na hindi mapapalitan ng mga bagong nauuso ngayon. Bakit? Kakaiba kasi ang saya at mga alaala na iniwan sa atin nito. ‘Yun ang hinding-hindi kayang mapalitan ng mga nauuso ngayon. Ano nga ba ang tinutukoy ko? Ito ay wala ng iba kundi ang Play Station 1.
Naalala n’yo ba ang karanasan ninyo nang kayo ay unang nakahawak ng controller ng Play Station 1 o PS1? Ako, naaalala ko pa at ito na yata ang pinaka-exciting na kaganapan sa buhay ko.
Nariyan ‘yung pagmamayabang mo sa mga iba’t ibang cheat na nalaman mo sa paggamit ng controller. Hindi rin mawawala ang mga matitinik na combinations na ginagawa mo sa tuwing makikipaglaban ka o makikipag-racing sa kalaro mo. At siyempre, hindi puwedeng hindi ka magkakaroon ng paltos-paltos sa kamay kalalaro ng PS1.
Bukod sa controller, hindi n’yo ba nami-miss ang memory card ng PS1 n’yo? Dito niyo sine-save ang mga laro ninyo. Naalala n’yo ba na kinakailangan mong magsakripisyo ng laro dahil sa mga bago mong ikakarga sa memory card? Ito na siguro ang unang heartbreak ng karamihan sa atin. At dito rin tayo natutong mag-let go…. ng mga laro.
Dito rin na-discover ang inyong talento sa pagsayaw sa pamamagitan ng Dance Revolution. Anong sabi ng Zumba ngayon, ‘di ba? Bago pa magkaroon ng Zumba, may Dance Revo muna! Baka nga ang iba pa sa inyo ay may Dance Revo pad pa magpahanggang ngayon.
Sino ba ang makalilimot sa larong Tekken? Ako nga, magpahanggang ngayon, memoryado ko ang mga characters ng larong ito. Lahat ng bagets ay hook na hook hindi lang sa laban mismo kundi pati sa mga istorya ng bawat character sa larong Tekken.
At siyempre, sino ba naman makalilimot sa mga panahon na puyat na payat ka para matapos mo lang ang isang laro. Kahit pinagagalitan ka na nina mommy at daddy, walang makapagpipigil sa iyo sa kagustuhan mong matapos ang laro.
Kay sarap nga namang balikan ang mga ito. Talaga namang, PS1 pa rin.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo