PARA MA-ACCOMMODATE sa espasyong ito ang maraming bilang ng reklamo mula sa sandamakmak na text messages na natanggap namin sa aming text hotline laban sa mga public school na pinangangasiwaan ng Department of Education, minarapat naming putulin ang mga hindi mahahalagang bahagi ng ilan lamang sa nasabing mga text.
Araw-araw, walang humpay, patuloy ang pagdagsa ng mga reklamo sa aming hotline laban sa iba’t ibang public schools sa buong bansa at walang ginagawang aksyon ang DepEd. Patunay lamang ito na pinamumugaran ng mga inutil at korap ang DepEd.
- Dito sa San Isidro Elementary School sa Batangas City. May raket ang mga teacher at PTA Officers. Ang teachers ay sumisingil ng P25.00 per student para pambayad sa janitor, kuryente at tubig. P50.00 naman ang sinisingil para sa general PTA meeting per student. Ngayon naman ay iyong product ng Personal Collection ang sapilitang pinababayaran sa bawat estudyante. Ang Tuff toilet bowl cleaner, P275.00 bawat isa. Kapag ayaw mo, iyong mas mura ang ibibigay sa iyo. Tuff detergent powder naman P165.00 ang isa. Compulsary iyon.
- Bakit patuloy pa ring naniningil ang Annex Bulalacao High School sa Oriental Mindoro? P305.00 para sa bakal, kahoy, kawayan, plywood. Taun-taon ay ganyan na lang sila.
- Irereklamo ko ang school ng mga apo ko rito sa Margarita Roxas de Ayala Elementary School sa Sta. Ana, Manila dahil naniningil sila ng pambayad sa raffle ticket at longganisa.
- Irereklamo ko ang Bulwagan National High School Talacagay Extension dahil sa dami ng sinisingil. Wala raw mga libro at iisa lang ang nakalaan para sa maraming students sa Grade 7 at 8. Pinase-xerox na lang ng teacher kaya sinisingil ng P100.00 para sa English at P80.00 sa Math at sa iba pang subjects. Para sa first grading pa lang ‘yan, Next grading period ay panibagong bayad na naman.
- Dito sa Ligaya National High School sa Sablayan, Occidental Mindoro, araw-araw na nagpapa-solicit at nagpapa-contribution ang principal na si Mrs. Untalan sa mga estudyante. Para raw sa pondo ng school.
- Irereklamo ko ang San Miguel Elementary School sa San Miguel, Iloilo City. Naningil na sila dati sa PTA ng P100.00, ngayon naman PTA pa rin na P50.00 para sa lahat ng estudyante na para pampintura naman daw sa school.
- Sa City Central School, Cagayan de Oro, P60.00 para sa janitorial pay per month, P10.00 every Friday payment para sa test paper, P20.00 every periodical test first up to 4th grading.Total P80.00 pesos lahat ng grading period, Grade 1 to Grade 4.
- Sa San Ramon Elementary Schoolsa Calamba City, Laguna bawat student may contribution na P50.00 para sa guard, halos 3,000 lahat ang mga bata. MayP100.00 each na singil din bawat estudyante para sa electric fan. Mrs. Opena ang principal.
- Sa Magallanes Elementary School sa Davao City mayroong weekly test ang anak ko sa Grade 1, every Friday P8.00 singilan para ipa-xerox ang test paper.
- Sa Sariaya East Elementary School sa Sariaya, Quezon, naniningil ng P65.00 – security guard; P50.00 – PTA; P15.00 – water; P20.00 – test fund, total 150.00 per student per year,
- Sa Balayan West Central School sa Batangas, sa nursery naniningil ng monthly fee na P70.00. Iba pa para sa classcard na P20.00, libro P750.00, silya P200.00, sinking fund, PE uniform P250.00.
- Sa National High School sa Victoria, Oriental Mindoro naninigil para sa homeroom P100.00, journalism P75.00, sport P30.00, step P40.00, SSG P50.00, Red Cross P50.00, insurance P50.00, ID P36, total of P530.00 each. Plus 3,500.00 fieldtrip. Ang principal ay Rony Labitan.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo