NOONG NAKARAANG taon isang naghihinagpis na misis ang dumulog sa WANTED SA RADYO. Nais niyang ihingi ng tulong ang kanyang nakakulong na mister na itatago natin ngayon sa pangalang “Mario”. Si Mario ay isang dating all-around na empleyado sa ilang mga kumpanya na pag-aari ng magkakamag-anak na Intsik.
Isang araw, nang mapundi na, pinakiusapan ni Mario ang kanyang mga amo na kung maaari ay dagdagan nang kahit konti ang kanyang sahod na sobrang baba at malayo sa minimum wage. Hiniling din niya sa mga ito na kung puwede ay bigyan siya ng 13th month pay at itigil na rin ang mga hindi makatarungang pagkaltas sa kanyang kakarampot na ngang suweldo.
Nagalit ang mga amo ni Mario dahil doon at agad siyang sinibak. Nagsampa naman ng kasong illegal dismissal si Mario sa NLRC. Bagama’t sa desisyon ng NLRC inuutusan nito ang mga dating amo ni Mario na bayaran siya (ng napakaliit na halaga) para sa mga benepisyong hindi naibigay sa kanya, ilan sa mga reklamo ni Mario ay hindi kinatigan ng NLRC – tulad sa pag-reinstate sa kanya sa dati niyang trabaho at pagbayad sa kanya ng mga13th month pay, SSS, atbp.
Ang desisyon ng NLRC na hindi pagpabor sa ilang reklamo ni Mario ang siyang ginamit ng kanyang mga amo para magsampa ng kasong perjury sa korte laban sa kanya. Mabilis na nakulong si Mario.
Matapos kong marinig ang sumbong, agad kong inutusan ang isa kong staff na magpiyansa para kay Mario. Nang makalabas ng kalaboso, dumiretso si Mario sa WANTED SA RADYO, at nang araw ring iyon, binatikos ko ang NLRC pati na ang mga dating amo ni Mario kasama na rin ang fiscal na nagpakulong sa kanya.
Hindi nagtagal, nakipag-kompromiso kay Mario ang NLRC pati na ang mga dati niyang amo at ibinigay ang lahat ng mga pera na nauukol sa kanya. Inatras na rin ng mga ito ang kanilang demanda laban kay Mario.
NITONG NAKARAANG Biyernes naman, mahigit dalawang dosenang manggagawa na nanalo ng kaso sa NLRC ang dumulog sa T3. Noong taong 2009 pa lumabas ang desisyon ng NLRC ngunit hindi umaaksyon ang sheriff ng labor arbiter na siyang nagpapanalo sa nasabing mga manggagawa para ipatupad ang order.
Tinawagan namin ang labor arbiter para kunin ang kanyang paliwanag. Kanyang ikinatuwiran na sarado na raw kasi ang kumpanya na inireklamo. Nang sabihin namin na nagpalit lang ng ibang pangalan ang naturang kumpanya, ibinunton naman niya ang sisi sa kanyang sheriff dahil sa hindi raw nito pag-aksyon. Sa bandang huli, sinabi niya na papuntahin na lang sa kanyang opisina ang mga nasabing manggagawa para sa kanyang agarang aksyon.
BAGAMA’T HINDI naman lahat, maraming mga kawani ng NLRC ang tiwali. Tulad sa LTO, marami ring mga fixer – na nagpapakilalang mga abogado kuno, ang gumagala-gala sa loob ng NLRC.
Ang mga fixer na ito ang siyang tulay ng mga nagre-reklamo at ng mga inirereklamo sa mga tiwaling labor arbiter. Bakit ko alam ito? Marami na kasing mga manggagawa na ini-refer namin sa NLRC ang nakapagsabi sa akin tungkol sa mga kalokohang ito sa NLRC.
Dapat magsagawa ng lifestyle check sa mga kawani ng NLRC ang ating pamahalaan at simulan na rin ang paglilinis dito dahil nagiging pugad na ito ng mga tiwali.
Shooting Range
Raffy Tulfo