HINDI NA bago ang pagmamatigas ni Mayor Junjun Binay na bumaba sa kanyang puwesto matapos na maglabas ng desisyon ang Ombudsman na nagsususpinde sa kanya kaugnay sa mga isyung iniimbestigahan sa Senado. Ang mga overpriced na building gaya ng bagong city hall sa Makati, Science building at mga iregularidad na paggastos ang naging mitsa sa pagkakasuspende ni Mayor Junjun Binay. Marami na ang naging ganito ang eksena at dahil tila nasasanay na tayo sa mga ganitong tensyon sa pulitika, hindi na makita ng tao ang pinagkaiba ng pulitika at hustisya sa ating bansa.
Ang lahat ng mga pulitikong hinahainan ng suspension, maging mayor man o gobernador ay lagi na lang biktima ng pulitika. Ito ang pananaw na malimit gamitin na panangga ng mga mayor o gobernador para magkaroon sila ng dahilan para ipaglaban ang kanilang pananatili sa puwesto sa kabila ng suspension na inilalabas ng Ombudsman o maging Korte Suprema. Minsan ay nakakalimutan na ang anggulo na hustisya ang dahilan ng pagsususpende. Maaari naman kasing tunay na may paglabag sa batas ang mga pulitikong ito at sa katunayan ay marami sa kanila ang tahasang lumalabag sa batas. Sila ang mga tunay na kurakot at dapat lang na mabigyang hustisya ang pag-aabuso nila sa kaban ng bayan.
Paano ba natin dapat sukatin ang mga isyung ganito? Ang mga tao ay nagsasawa na lang at nawawalan na ng gana na makisangkot sa ganitong usapin. Ang problema rito ay naaapektuhan din ang kanilang pagpili sa kandidatong dapat mahalal o ang kanilang kawalang interes na bumoto mismo sa araw ng eleksyon.
PULITIKA NGA ba ang motibo sa pagsususpinde kay Mayor Junjun? Ang matapang na pahayag ni Vice President Jejomar Binay ay nagtuturo sa administrasyong Aquino bilang promotor sa suspensyong ito. Noon pa man ay pinagdududahan na ng kampong Binay ang partisipasyon ni DILG Secretary Mar Roxas sa mga paninira at pag-atake sa mga Binay, partikular kay VP Binay dahil sa posibleng pagiging magkalaban nila sa pagkapangulo sa darating na 2016 Elections. Kung may katotohanan ito, malinaw nga na pulitika ang nasa likod ng suspension.
Hindi naman lihim sa atin na si Roxas ang bibigyang endorsement ni PNoy sa 2016 Elections. Alam din ng lahat na si VP Binay pa rin ang nangunguna sa mga surveys na ginagawa para sa puwestong pagkapangulo ng bansa. Kaya naman madaling isipin na gagamitan ng impluwensya at pulitika ng administrasyong Aquino ang pamamayagpag ni VP Binay sa karera ng susunod na pagkapangulo. Idagdag pa natin ang sinasabi ni Mayor Binay na ang mga abogado na nagunguna sa pagkakasuspinde sa kanya ay mga abogado ni Roxas. At kung may katotohanan ang mga pahayag na ito ni Mayor Binay, malamang na pulitika nga ang dahilan ng lahat.
Pero hindi pa rin natin maiaalis ang makita ang mas malaking larawan ng pulitika sa bansa kung saan ay ginagamit din ng mga pulitiko ang isyu ng pamumulitika para sila ay makapagtago sa kanilang responsibilidad o maisulong ang sarili nilang motibo at pananatili sa puwesto lingid sa katotohanan na kailangan nilang sumunod sa ipinag-uutos ng batas dahil sila ay tunay na may nagawang paglabag sa alituntunin ng ating Saligang Batas.
SA KABILANG banda ay hindi rin dapat balewalain ang mga ebidensya na inilalabas laban sa mga Binay. Ang mga sinasabing pag-aari nila gaya ng mga malalaking bahay, hacienda, condo units at mga transakyon na nagtuturo sa mga pangungupit na ginawa ng dating Mayor at ngayon ay pangalawang pangulo ng Pilipinas at ang kasalukuyang Mayor na anak din ni VP Binay, ay mga ebidensiyang mahirap takasan ng pamilyang Binay na kailangan nilang maipaliwanag nang maayos.
Kung bibigyang-bigat natin ang mga argumentong pulitika nga ito at mga argumentong nagtuturo sa katotohanan at hustisya, talagang malilito ka sa kung alin sa dalawa… pulitika o hustisya ang tunay na kuwento sa likod ng mga isyu ngayon sa ating bayan.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:45 am hanggang 12:30 nn. At sa T3 Enforced naman pagsapit ng 12:30 nn hanggang 1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin.
Napakikinggan naman sa programang Wanted Sa Radyo ang inyong lingkod sa 92.3 FM
at sa lahat ng Radyo5 sa Visayas at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833 para sa Wanted Sa Radyo. 0918-602-3888 para naman sa Aksyon sa Tanghali. At 0918- 983-8383 para naman sa T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo