ANG UNITED States of America ay nananatiling pinakamakapangyarihan at maimpluwensiyang bansa. Ito pa rin ang may pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo. Ang US din ang laging namamagitan sa mga kaguluhan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Dahil dito, si Barack Obama na kasalukuyang presidente ng US, ang itinuturing na pinakamakapangyarihang tao sa buong mundo.
Sa nalalapit na pagbisita ni Obama sa Pilipinas, ano ba ang maidudulot nitong mabuti sa ating bansa – kung mayroon man?
Ang Pilipinas bilang bansa ay itinuturing na isa sa mga third world developing countries sa Asia. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nabibigyan ng matataas na credit rating at patuloy na lumalago ang ekonomiya nito.
Ang pagbisita ni Obama sa atin ay maaaring tingnan sa maraming anggulo. Gusto kong bigyang-kahulugan ang isang anggulo na nagpapakita ng kaisipan na ang pagtulong na inaabot ng US ay maaaring mayroong nakatagong interes kung saan makikinabang ang US o ‘di kaya’y si Obama mismo bilang pulitiko.
MASASABING MATAGAL at malalim na ang pinagsamahan ng US at Pilipinas. Sa pananaw ng mga Amerikanong historyador ay sila ang tumulong sa Pilipinas upang makalaya sa kamay ng mga Kastilang kumolonisa sa atin sa loob ng halos 300 taon. Ngunit sa pananaw ng ilang Pilipinong akademiko ay nilinlang lamang ng mga Amerikano si Emilio Aguinaldo upang malipat sa kanila ang kapangyarihan ng pagpapatakbo sa Pilipinas.
Nitong nakaraang administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo, tila dumistansya ang administrasyon ni Obama sa Pangulo. Hindi ni minsang nakipagpulong si Obama kay Arroyo o naimbitahan man lang ang dating presidente sa White House. Marami ang nagsasabi na hindi kasi nais ni Obama na magkaroon ng asosasyon kay Arroyo noon. Marahil ay dahil sa patung-patong na isyung korapsyon ang hinaharap ng administrasyong Arroyo.
Tila yata nagbago ang ihip ng hangin ngayon. Sa kabila ng malaking isyu ng korapsyon sa pork barrel kung saan lumabas na malawakan ang sistema ng pagnanakaw sa PDAF, at nasasangkot ang napakaraming pulitiko, pursigido pa rin si Obama sa pagbisita sa Pilipinas.
Bale-wala rin kay Obama ang isyu ng kapayapaan at kaligtasan ngayon sa bansa bunga ng nangyayaring kaguluhan sa Zamboanga. Sa kabila ng lahat ng ito ay nakagugulat na darating pa rin sa Pilipinas si Obama.
MAAARING ISIPIN na mayroong motibo ang US o si Obama mismo. Ngunit, ang intesyon ng US sa aking palagay ay walang kinalaman sa pagpapabuti ng kanilang ekonomiya at sandatahang lakas.
Sa kabilang banda, tila tayo pa ang higit na may pakinabang sa US para lalo pang sumigla ang ating ekonomiya at sandatahang lakas.
Ang motibo palagay ko ay ang makukuhang asosasyon ng administrasyong Obama sa malinis at magandang reputasyon ng Pilipinas ngayon bilang isang bansang umuunlad at hindi kurakot na pamahalaan.
Maaaring nagbunga na ang tuwid na daan ni PNoy at nag-aakit ito ng mga lider mula sa mayayamang bansa. Lumalabas na ang pangdaigdigang pulitika ngayon ay namumuhunan sa magandang reputasyon ng pamamahala.
Mas tumataas ang tiwala ng mga namumuhunan sa mga bansang may magagandang polisiya sa pamamahala na sumesentro sa malinis at tapat na paglilingkod.
Sa pamamagitan ng pagiging magkaibigan ng dalawang lider ay nagkakaroon ng asosasyon ang dalawa at naipapasa ang reputasyong maganda sa isa pang lider.
Sa aspetong ito maaaring nakikinabang si Obama. Ito marahil ang motibo. Kung hindi man ito ang motibo o walang motibo talaga, sadyang natural lang na makiisa ang malalakas na pangulo sa mga lider na walang bahid ng korapsyon. Ganito ang pulitika ngayon sa mundo!
Shooting Range
Raffy Tulfo