ANG PULITIKA sa Pilipinas ay matagal nang pinaghaharian ng iilang mga pamilya mula pa noong unang panahon. Ang pangalang Roxas na dala-dala ni Secretary Mar Roxas ay haligi ng unang Republika ng Pilipinas pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ang lolo naman ni Pangulong Noynoy Aquino na si Benigno Aquino Sr. ay nagsilbi bilang bise presidente ni Jose P. Laurel noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Asahan na natin na ang kasalukuyang tagasulat ng talumpati ni Pangulong Aquino at isa sa mga presidential advisors niya na si Manuel (Manolo) Quezon III na apo ng Commonwealth government na si Manuel L. Quezon, ay tatakbo sa pagka-senador sa darating na 2016 elections.
Si dating Senator Jun Magsaysay, dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Senador Bongbong Marcos ay mga anak nina Pangulong Ramon Magsaysay, Pangulong Diosdado Macapagal at Pangulong Ferdinand Marcos. Sa Senado ngayon, maliban kina Sen. Miriam Defensor-Santiago, Loren Legarda, Panfilo Lacson, Antonio Trillanes IV, at Gringo Honasan, lahat ay mga mag-ama, magkapatid, magtiyuhin, at mag-asawa.
Bilang halimbawa, si Sen. Nancy Binay ay anak ni Vice President Jejomar Binay. Sina Sen. Pia Cayetano at Allan Cayetano ay magkapatid at mga anak ng yumaong Sen. Rene Cayetano. Si Sen. Jinggoy Estrada at JV Ejercito ay mga anak ni dating Pangulong Joseph Estrada. Si Sen. TG Guingona ay anak ni dating Sen. Teofisto Guingona. Si Senator Bam Aquino ay pinsan ni PNoy at pamangking nina dating Pangulong Corazon Aquino at Ninoy Aquino.
Ang pulitika sa Pilipinas ay istorya lamang ng mga pamilyang kinilala sa lipunan. Ang mga anak, asawa, kapatid, pamangkin at iba pang mga kaanak ng mga naghaharing pamilya sa pulitika ay patuloy na mahahalal at magtataguyod ng tradisyong ito. Paikut-ikot lamang ang relasyong “kapamilya”, “kapatid” at “kapuso” sa pulitikang Pilipino. Tama nga ba ito at nakabubuti?
Ang sagot ni Aristoteles, isang Griyegong pilosopo, ay mali ito at hindi nakabubuti sa ating bansa. Isa itong masamang katangian ng pulitikang Pilipino na dapat mabago na. Kaya dapat nang maisulong ang “anti-dynasty” bill.
ANG MGA magkakaaway sa mga dinastiyang pamilya sa pulitika ay nagiging magkasangga at ang mga magkakaibigan ay nagiging magkaaway. Sabi nga ng mga political analysts sa ating bansa, “there is no permanent enemies nor friends in politics, just permanent interests.” Kaya naman ay hindi na natin ikinagulat ang pahayag ni Sen. Bongbong Marcos na hindi raw dapat mag-step down si Pangulong Aquino sa posisyon, bagkus ay mag-step up dapat. Malaman at makahulugan ang pahayag na ito. Mula rito ay makikita natin ang isa pang katangian ng pulitika sa Pilipinas at ito ay ang istorya ng relasyong away at pagsasanib sa mga prominenteng pamilya sa pulitika.
Dekada ’70 nang pumutok ang hidwaang Aquino at Marcos. Naging mahigpit na kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos si Senador Ninoy Aquino ng Tarlac. Inilabas niya sa kanyang mga privilege speech sa Senado ang “Jabidah Massacre” at “Oplan Sagittarius”. Ang “Jabidah Massacre” ang pinaniniwalaang nagsimula ng rebelyon at Muslim arm groups sa Mindanao. Ang “Oplan Sagittarius” naman ang pagpaplano sa pagdedeklara ng “martial law” noong 1972 at pagtatayo ng bagong pamahalaan at konstitusyon noong taon 1973.
Humantong ang awayang Marcos at Aquino sa pagka-exile ni Aquino sa Amerika at nang lumaon ay ang pinaghihinalaang pagkakapatay sa kanya sa pambansang paliparan noong 1983 sa Pilipinas. Naging lalong mainit ang awayan ng dalawang magkatunggaling pamilya nang sumiklab ang EDSA Revolution noong 1986 at mailuklok sa kapangyarihan bilang bagong Pangulo ng Pilipinas si Cory Aquino na asawa ni Ninoy Aquino. Kasabay nito ay ang pagpapatalsik naman sa pamilyang Marcos sa Hawaii bilang mga “political exile”. Parang umikot lamang ang gulong ng buhay kung saan ang dating nasa ibaba ay nasa itaas na at ang nasa itaas ay siyang sa baba ngayon.
Sa kasalukuyang panahon, kung saan ang mga anak nila Ferdinand Marcos at Ninoy Aquino ay maiinit na pinagmamasdan ng tao bilang isang senador na nagsasabing hindi dapat bumaba sa kapangyarihan ang kasalukuyang Pangulo ng bansa, at bilang Pangulo na sentro ng kritisismo sa lipunan. Ang dalawang pamilyang magkaaway sa mahabang panahon ng pulitika sa Pilipinas ay siyang tila magkasangga sa pinakabingit ng mga pagtatangkang pagpapababa sa pagkapangulo ng anak nila Ninoy at Cory Aquino na si PNoy.
Ito ang istorya ng ating pulitika. Ito ang pulitikang Pilipino.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO. Maaari ring magsadya sa aming action center na matatagpuan sa Unit 3B Quedsa Plaza Bldg., Quezon Avenue corner Edsa, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo