NAMUMULITIKA NGA ba si VP Jejomar Binay sa pakikialam niya sa bakbakan sa Zamboanga o pilit na binabahiran lamang ng pulitika ang kanyang mabuting intensyon? Kung alin man sa dalawa ang totoo, may pulitika pa rin sa Zamboanga crisis!
Ang paniniwala ni Binay ay nabigo ang planong tigil-putukan na kanyang inisyatibo dahil sa hindi nagkasundo ang mga kahilingan ni Nur Misuari at ng gobyerno. Bago ito, nagkaisa umano si Defense Secretary Voltaire Gazmin at Misuari na magkaroon ng tigil-putukan noong nakaraang Biyernes, ngunit sa kabila nito ay nagpatuloy pa rin ang bakbakan ng mga sundalo ng gobyerno at mga rebeldeng MNLF.
Dahil sa pangyayari, tiningnan tuloy ng ilang mga pulitiko na sinasamantala lang ni Binay ang pagkakataon para bumango ang kanyang pangalan, bilang paghahanda niya sa darating na 2016 Presidential Election.
SA MABABANG kapulungan ng Kamara ay sinabi ni Cavite Representative Elpidio Barzaga, Jr. na dapat ay tumigil na si Binay ng pakikisawsaw sa krisis sa Zamboanga at ipaubaya na lang kay Pangulong Aquino ang paghawak ng problema sa Zamboanga.
Dagdag pa ni Barzaga na mas lumala pa tuloy ang sitwasyon dahil dito at muntik pang napahamak ang mga sundalo ng gobyerno. May mga ilang nagsasabing namumulitika lang si Binay at dapat na niyang tigilan ito.
Ipinagtanggol naman ni Binay ang kanyang sarili at sinabing ang pangunahing layunin niya umano ay mailigtas ang mga sibilyang naipit at nadamay sa bakbakan ng mga sundalo at rebelde.
Iginiit ni Binay na hindi niya pinangungunahan ang Pangulo at nagmumungkahi lamang siya nang maagap na solusyon para sa krisis. Si PNoy pa rin umano ang magdedesisyon sa dapat gawin ng gobyerno. Dahil dito, hindi na muna makikialam umano si Binay sa usapang kapayapaan sa Mindanao mula ngayon.
KAHIT SAANG anggulo natin tingnan ay wala talagang nagagawang mabuti ang pamumulitika sa ating bayan. Nakadidismayang isipin na sa kabila ng mga buhay na nasayang dahil sa gulo sa Zamboanga, may mga ganito pa ring patutsadahan ang mga opisyal, mambabatas at kawani ng ating pamahalaan.
Kung talagang walang halong pulitika, maituturing na kahanga-hanga at wala namang mali sa ginawa ni Binay. Malinis, matalino at makatarungan ang mungkahing tigil-putukan ni Binay sa lumalalang sitwasyon sa Zamboanga.
Sadyang hindi mauubos ang mga bala at marahil pati mga nakikipaglabang rebelde kung patuloy na hindi mag-uusap sa mapayapang paraan ang dalawang panig. Marami pang buhay na masasayang kung hindi maaagapan ang bakbakan sa Mindanao. Katunayan ay may pag-atake na rin sa iba pang bahagi ng Mindanao tulad ng nangyari sa Lamitan, Basilan.
Dapat ay nagkakaisa at nagsasanib-puwersa ang mga nasa gobyerno para sa lalong madaling panahong ikalulutas ng digmaan sa Mindanao. Imbes na magsiraan at mag-isip nang masama ay dapat magbigay-lakas at suporta sa isa’t isa ang mga pinuno natin.
Dapat tigilan na rin ng mga mambabatas ang mga puna at kumento na hindi nakatutulong sa problema sa Mindanao. Nagdudulot lamang ito ng lalong pagkakatak-watak ng sambayanan.
Ang “pamumulitika” ay isang sakit na kanser sa ating lipunan. Ito ang digmaang dapat ay noon pa natin napagwagian. At kung tutuusin, ito rin ang nagsimula at lumikha ng gulo sa Zamboanga!
Shooting Range
Raffy Tulfo