Pulso Ng Bayan

GABI-GABI ay marahil naririnig ninyo ang countdown ng mga news programs sa papalapit na Pasko. Ngunit may isang count down din na pumapailalim sa likod ng isipan ng marami. Ito ang nalalapit na panahon ng pangangampanya para sa 2016 Elections. Tiyak na sa pagpasok ng taong 2015 ay sabay-sabay raratsada ang mga politikong may ambisyon para sa 2016 National Elections.

Ang Pulse Asia na kilala sa pagbibigay ng pulso ng bayan sa mga politikong maaaring lumabas sa nalalapit na eleksyon dalawang taon mula ngayon ay muling nagpalutang ng mga pangalang kasama sa pulso ng bayan. Ang mga pangalang Grace Poe, Vilma Santos at Manny Pacquiao ang ilan sa mga matutunog umano sa pulso ng bayan.

Sa artikulong ito ay nais kong pag-usapan ang mga salik kung bakit ang isang kandidato ay nagiging patok sa pulso ng bayan. Babanggitin din natin ang mga dahilan kung bakit naman bumababa ang ranggo ng isang nangungunang kandidato sa pulso ng bayan sa tuwing lalapit na ang eleksyon. Sa huli ay babalangkasin natin ang magandang pamantayan upang masuri ang mga kandidatong higit na makatutulong sa taong bayan.

SA PANAHON ngayon kung saan ay kabi-kabila ang batuhan ng putik ng mga politiko at gayun din ang nakapilang imbestigasyon sa mga kaso ng korapsyon at lihim na yaman ng ilang mga personalidad sa gobyerno, ay natural lamang na humanap ang mga tao ng mga lider na hindi nasasangkot sa mga alegasyon na ito at walang bahid ng korapsyon ang pangalan.

Kaya naman natural lang na lumutang ang mga pangalang Poe, Santos at Pacquiao dahil magpahanggang ngayon ay nananatiling malinis ang kanilang mga pangalan mula sa mga isyu ng korapsyon at nakawan sa gobyerno. Ang unang salik ng pagiging mainit sa pulso ng bayan ay ang pagkakaroon ng malinis na reputasyon at walang bahid ng korapsyon ang pangalan.

Dahil ang bansa natin ay lugmok na lugmok na mula sa mga isyu ng nakawan sa kaban ng bayan, partikular sa mga isyu ng DAP at PDAF, kaya bentahe ang mga politikong mabait at hindi mukhang magnanakaw. Hindi na gaanong binibigyan ng bigat ang kagalingan sa trabaho at bonus na lang kung ang politikong ito ay bukod sa walang bahid ng korapsyon ang pangalan ay mahusay pang magtrabaho.

HINDI AKO nagtataka sa pagkakasama ng pangalan ni Gobernador Vilma Santos dahil sa galing nitong magpatakbo ng kanyang nasasakupang bayan, sipag, dedikasyon at malinis na pangalan. Ang punto ko na esensyal na salik ang malinis na pangalan sa pangunguna pulso ng bayan, ay mas nakikita sa pagkakasama ng pangalan ni Pacquiao na isang kongresista, bukod pa sa galing nito sa boxing.

Hindi naman lingid sa ating lahat na wala pang napapatunayan si Pacquiao sa galing nito bilang isang mambabatas dahil mas madalas ang kanyang pag-eensayo sa laban sa boxing o ‘di kaya ay pagsu-shooting ng mga pelikula at palabas nito sa telebisyon kaysa sa paggawa ng batas o pakikisangkot sa isang usaping politikal. Ngunit, sa kabila nito ay matunog parin ang kanyang pangalan sa karera ng pagka-senador sa 2016 Elections.

Simple lang ang sikreto nito at ito ay ang pagkakaroon ng malinis na pangalan mula sa mga nakawan sa gobyerno. Ganito rin ang sekreto ni Senadora Poe kung bakit siya ngayon ang nangunguna sa karera para sa pagka-bise presidente. Lalo pa at gamit niya ang pangalang “Poe” na kinilalang mabait at tagapagtanggol ng mga mahihirap sa pelikula at telebisyon, tiyak ang pangunguna nito sa mga kasabayang posibleng kandidato para bise-presidente.

ANG GALING sa trabaho ay hindi rin pumapangalawa sa mga salik na nagbibigay sa isang kandidato ng popularidad para manalo sa eleksyon. Ang pagiging laman ng mga pahayagan at telebisyon ay isang adbentahe para mapabilang sa pulso ng bayan. Kaya naman may mga politiko na hindi nawawala sa showbiz kung tawagin, ay dahil ito ang libre nilang kampanya para manatiling pinag-uusapan at nakikita ng lahat araw-araw.

Dito mo makikita kung bakit kasama pa rin ang gaya nila Tito Sotto sa listahan ng mga nangungunang pangalan sa pagka-senador. Hindi naman nawawala si Sen. Sotto sa telebisyon at halos araw-araw sa tanghali ay napapanood siya. Ito rin ang naging tulay nina dating Bise-Presisdente Noli De Castro at Senadora Loren Legarda.

Siguro ay pangatlo lamang ang salik na galing at husay sa trabaho na nagdadala sa isang kandidato para muling manalo sa eleksyon. Hindi naman kasi napapansin ang mga mabubuting trabaho ng mga mahuhusay na politiko dahil mas binibigyang-pansin sa media ang mga isyu ng katiwalian at kriminalidad sa lipunan.

 

ANG ISANG isyu ng katiwalian ay sapat na para mapababa ang popularidad ng isang kandidato kahit hindi pa man ito mapatunayan. Ito mismo ang dinaranas ni VP Jejomar Binay kaya’t bumababa ang kanyang rating sa huling Pulse Asia survey. Maaaring nananatili itong numero uno pa rin sa pagkapangulo dahil wala pang bagong pangalan na walang bahid ng korapsyon ang pangalan, ang lantarang hahamon sa kanya sa pagka-presidente sa 2016.

Kung may isang kandidatong nagtataglay ng unang dalawang salik na binanggit ko para manguna sa pulso ng bayan ay tiyak na malalaglag si VP Binay sa unang puwesto ng karera sa pagkapangulo. Maaari ngang talunin ni Sen. Grace Poe si Binay sa survey kung malinaw nitong sasabihin ang kanyang intensyon para sa pagkapangulo dahil taglay niya ang salik ng malinis na pangalan at popularidad sa telebisyon.

Sa tototo lang ay ang dalawang salik na ito lamang ang naging daan ni PNoy noong 2010 presidential election para makuha ang pulso ng bayan. Hindi alam ng marami ang kahusayan niya bilang isang senador o maging kongresista pa man noon.

SANA SA darating na eleksyon ay ilagay natin ang ikatlong salik na tumutukoy sa kagalingan at kahusayan ng isang politiko sa kanyang trabaho bilang una sa 3 salik na nabanggit ko. Hindi sapat ang malinis na pangalan at popularidad para maiahon ang Pilipinas sa pagiging mahirap at isang 3rd world na bansa.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleTaxi, Para!
Next articleTatlong jukebox diva, may pagka-echosera

No posts to display