AYON SA isang broadsheet kahapon, planong ipa-lifestyle check daw ng Department of Finance (DoF) – sa pamamagitan ng anti-corruption arm nito na Revenue Integrity Protection Service (RIPS), ang mga miyembro ng tinaguriang “Millionaire’s Club” ng Bureau of Customs (BoC).
Kasama raw sa mga planong ila-lifestyle check ay ang grupo ng 27 district collectors na inililipat kamakailan sa Customs Policy Research Office na mariing pinapalagan naman ng grupo dahilan para sila ay maghain ng Temporary Restraining Order (TRO) sa korte para pansamantalang mapahinto ang pagpapalagay sa kanila rito.
Ang pagtutol ng 27 district collectors at paghain nila ng TRO ang dahilan kung bakit nagbabanta ngayon ang DoF na gaganti sa pamamagitan ng pagpapa-lifestyle check sa kanila. Ayon sa DoF, gumagawa raw kasi ang kanilang tanggapan ng mga programa para sa pagreporma ng BoC – isang ahensyang tadtad daw ng katiwalian.
BAGO GUMAWA ng paglilinis ang DoF sa mga ahensyang pinangangasiwaan nila, kanilang unahin munang linisin ang mismo nilang bakuran lalo na ang RIPS – ang kanilang ipinagmamayabang na anti-corruption arm.
Lingid sa kaalaman ng DoF, ilan sa mga miyembro ng RIPS ay matagal nang nakikialam sa BoC hindi para tugisin ang mga kawani ng BoC na nakikipagsabwatan sa mga smuggler kundi para takutin ang lahat ng mga kawani rito upang makapang-arbor ng mga kargamento.
Oo, mang-arbor ng kargamento. Iyan ang istilo ng ilan sa mga miyembro ng RIPS. Ang mga kargamentong inaarbor nila ay pag-aari kundi man ng mga smuggler na kanilang pinoprotektahan, sila mismo ang nagmamay-ari.
Ang mga kawani ng BoC na pumapalag, kanilang tinatakot na ipapa-lifestyle check. Ngunit ilan sa mga kawani rito ay dati na nilang nai-lifestyle check at ginagamit ang impormasyong nakalap bilang kanilang Alas laban sa mga ito.
Ang iba pa nga sa mga taga-RIPS, hindi pa nakukuntento sa pang-aarbor ng mga kargamento, nanghihingi pa ng lingguhang “pakisama” sa mga empleyado ng bureau. Siyempre, ang drama ng mga ito sa mga taga-bureau ay iyon daw ay para sa mga malalaking bossing sa DoF.
SA TINAGAL-TAGAL na ng RIPS bakit ni isang opisyal ng BoC ay wala pa silang napasisibak dahil bumagsak sa lifestyle check? Huwag nilang idahilan na matino kasi ang lahat ng mga taga-BoC samantalang kasasabi lang nila ngayon na ang ahensyang ito ay tadtad ng katiwalian.
Bakit kailangan pang ianunsyo ang planong pagpapa-lifestyle check sa 27 district collectors at hindi na lang gawin ito nang palihim kung talagang seryoso sila sa kanilang plano? ‘Di ba ang mga ito ay matagal nang “nakikisama” sa kanila, kaya nga noon pa man, ni isa sa mga ito ay hindi pinakikialaman?
Nanghihingi ba ng dagdag na “pakisama” ang mga bossing sa DoF, o baka naman sila ay binubukulan at hindi nakararating ang mga “pakikisamang” ito?
Ito ba ang dahilan – para makasiguro – kung bakit ang DoF ay namimilit na maglagay ngayon ng mismong mga “tao” nila na papalit sa 27 district collectors at iba pang mga kawani ng BoC? Kasama na rito ay ang pag-iendorso ng DoF sa Malacañang kamakailan ng mga manok nilang deputy commissioners.
Ito rin ba ang dahilang kung bakit lantarang binabastos ni DoF Secretary Cesar Purisima si Customs Commissioner Ruffy Biazon at nagtalaga siya ng isang bagong deputy commissioner na naging lawyer umano ng isang smuggler sa isang case sa bureau na hindi man lang kumonsulta muna kay Biazon?
Mukhang hindi naman talaga tunay at malinis na reporma ang gustong mangyari ng DoF sa BoC. Tila ang “pakikisama” ang pinakadahilan ng lahat ng kaguluhang nangyayari ngayon sa BoC. Ang sumatotal ay para masarili na ng isang mataas na opisyal ng DoF ang bultu-bultong “pakikisama” ng pangkalahatang “samahan”.
Shooting Range
Raffy Tulfo