SA PAMAMAGITAN ng isang kaibigan, nakadalaw ako sa isang Retirement House for Catholic Priests sa Antipolo, Rizal kamakailan. Apat na di-kalakihang cottages, isang mini-chapel, basketball court, infirmary at gulayan ang bumungad sa aking pananaw. Napakatahimik at magandang lugar para sa mahigit na 50 retiree-priests ng iba’t ibang orders. Lahat sila ay 70 at above ang edad.
Sa init ng katanghalian, patuloy pa rin ang huni ng mga ibon at hishis ng iba’t ibang maliliit na hayop malapit sa sapa. Dito ko nakausap si Fr. Amado Damian, 76, taga-Davao del Sur. Kalahating siglo lahat-lahat ang ipinagkaloob niyang paglilingkod sa Diyos na nagdala sa kanya kung saan-saang lupalop sa mundo. Siya ay isang SVD missionary, 10 taon sa Africa at 15 taon sa South America.
Sa pagkaalam niya, wala na siyang naiwang kapatid at kamag-anak dahil sa haba ng kanyang misyon abroad. Medyo kalakasan pa siya subalit may lung ailment at pinahihirapan ng rayuma at arthritis.
Si Fr. Mark Gomez ay pinakabatang retiro sa edad na 58. Biktima ng dalawang sunod na stroke, siya ay ‘di pa mailakad ang kaliwang paa at utal magsalita. Tubong Camarines Norte, naging kura paroko siya bago mag-misyonaryo. Sa Senegal siya tinamaan ng stroke nu’ng 2001. Siya ay isang civil engineer bago tumugon sa tawag ng kaparian.
Dalawang magkalayo ngunit magkalapit na buhay sa paglilingkod sa Diyos ang umantig sa aking damdamin. Dalawang nilalang na tinalikuran ang lahat, ang mundo at tumahak ng mahirap at makitid na landas sa paglilingkod sa Diyos at kapwa tao. Ano ang inaasam nilang gantimpala? Mayroong gantimpala.
Sa pusikit na dilim ng pagtanda, sino ang kasama nila sa pag-iisa? Mga imahe at tinig ng nakalipas, ngayon at bukas na pinagbubuhol parang sampaguita ng Makapangyarihang Manlilikha.
SAMUT-SAMOT
PALAGI ANG talon ng mga named stars at singers sa bakuran ng Channel 5. Isa na sa mga ito ay si Derek Ramsay, isang very versatile actor and sportsman. Una sa kanya ay si Megastar Sharon Cuneta. Si Nora Aunor ay matagal nang tumalon. Ano ang nangyayari sa Channel 2? ‘Di ba sila marunong mag-alaga ng “kapamilya”?
ANO PA ba ang pinag-aalburuto ni MNLF chairman Nur Misuari? ‘Di ba binigyan na siya ng mahabang pagkakataon para bunuin at pagtagumpayan ang ARMM? Ang kanyang pananakot sa binubuong Bangsa Moro ay ‘di na katawa-tawa. Dapat sampahan na siya ng nararapat na kaso. Nu’ng panahon ni dating pangulong GMA, nag-alsa siya na ikinamatay ng mahigit 100 tao. Sinampahan ng kasong rebelyon subalit pagkatapos pinalaya. Ngayon nanggugulo na naman!
MARAMING NAGTATANONG kung bakit minabuti pa ni P-Noy ang magtungo sa New Zealand at Australia kaysa dumalo sa canonization rites ni St. Pedro Calungsod sa Rome? Ang canonization rites ay napakabanal at dakilang araw sa bansa na bihirang mangyari. Dapat pinahalagahan niya ito. Maraming nakapapansin na tila walang spiritual fervor ang Pangulo. Bihirang makitang dumadalo sa Misa o religious gatherings ‘di katulad ng kanyang nasirang ina. Ang isang liderato na walang spiritual direction o lakas ay walang patutunguhan. Kaya marahil ganito ang ating bansa.
PARANG BULALAKAW na nawala sa mata ng madla ang kandidatura sa Senado ni Bam Aquino, pinsang-buo ng Pangulo. Sayang, very qualified pa naman. ‘Pag ‘di siya nanalo, repleksyon ito kay P-Noy. Isang PR outfit, agents, ang dating handler niya. Balita ko’y pinalitan na. Kahapon sa Phil. Star, ang istorya niya nasa obituary page. Pasubali ba ito ng mangyayari?
TAMA ANG attitude ni Senate Pres. Juan Ponce Enrile. “I have no franchise on the Senate presidency. I’m willing to go if they have the numbers,” wika niya. Ganyan ang statesman at leader, ‘di kapit-tuko. ‘Di katulad ng iba diyan, pinagtatadyakan na ayaw pang umalis. Mga ito ay kamag-anak ng pulitikong EPAL. Makapal ang mukha, mahilig pumapel. Dose-dosena ang mga katulad nila.
MARAMI NA sa aking ka-batch sa propesyon ang sumakabilang-buhay na. Karamihan ay sa ripe age. Paminsan-minsan, may iba sa kanila ang aking napapanaginip. Tila ba niyayakag na ako. Sabi ko, ‘wag muna. Tutal naman, marami na kayo diyan. Sa totoo lang, araw-araw laman ng isip ko ang kamatayan. ‘Di masamang isipin ito. ‘Di dapat katakutan, dapat paghandaan. Ang dasal ko lang: ‘yong madali at ‘di masakit. Ready ako sa accomplishment report sa buhay.
HANGGANG NGAYON ang mga stray cats ay problema pa rin sa aming subdivision. Sa loob ng makina ng kotse, sa labas ng batalan, sa kalye, sila matatagpuan gabi-gabi. Pinasok ng isa sa kanila ang aming kusina kamakailan at tinangay ang bagong pritong isda. Ganyan na sila kasalbahe. Walang makuhang solusyon kundi painan sila ng pagkaing may lason.
Ngunit ito’y labag sa batas!
ANG RETIREMENT ay dapat pagplanuhan ng mabuti. Mahirap ‘yong bigla kang mawawalan ng ginagawa. Boredom kills. Naging karanasan ko ito. Tatlong taon akong nag-full retirement, sa bahay lang, luto, gardening. ‘Di nagtagal nainip na ako. Maraming sakit na naramdaman. At lagi akong balot ng ‘di maipaliwanag na balisa. Sabi ng doc, maging active ka muli sa social life. Go out with your old friends and find new ones. Ito ngayon ang ginagawa ko.
ISANG PULITIKO ang naisipang magsapelikula ng kanyang buhay para palabas bago mag-eleksyon. Si Cesar Montano ‘ata ang leading man. ‘Di pa alam ang ibang cast. Ewan natin kung papatok sa takilya ito o may magtiyagang manood. Ang trend ngayon ay sex films na kaliwaan. Mga bio o historical films ay nilalangaw sa ating mga sinehan.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez