“BAGO MO linisin ang dumi ng iyong kapwa, hugasan muna ang putik sa mukha.” Ito ang isang linya sa napaka-popular na awiting may pamagat na “Lupa”. Ang kantang ito ay pinasikat ng mang-aawit na si Rico J. Puno. Angkop ang awiting ito sa mga mambabatas, lalo na sa Senado kung saan maraming senador ang humusga sa unang tatlong senador na pinangalanan ng mga whistle blowers ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa isyu ng pork barrel scam.
Ngayong naglabas na umano ng listahan ng mga mambabatas na sangkot sa pork barrel ang pangunahing suspect at isa sa pinaniniwalaang utak ng scam na si Janet Lim-Napoles, natitiyak kong umiikot na ang mga puwet ng mga mambabatas na ito ngayon pa lang. Mas lalong nasasadlak sa malaking kahihiyan ang mga senador na humusga sa kapwa nila senador noong una, na naglilinis-linisan at ngayon ay kasama rin naman pala sa mga pangalang ibinigay ni Napoles sa DOJ at kay former Senator Panfilo Lacson.
Ang pangamba pa ni Lacson ay tiyak na made-demoralize ang buong Senado sa pangyayaring ito kung ilalabas na sa publiko ang listahan. Sa artikulong ito ay nais kong pag-usapan ang implikasyong politikal at sosyolohikal sa ating lipunan, sa pagkakadawit ng maraming senador at kongresista sa isyu ng pork barrel, kung saan nabanggit ang kanilang mga pangalan sa listahang ginawa ni Janet Lim-Napoles.
SA IBANG Asyanong bansa gaya ng Japan at South Korea, malaking bagay ang delikadesa. Mabanggit lamang ang kanilang pangalan sa isang isyu ng katiwalian ay agad silang nagbibitiw sa kanilang mga tungkulin. Ganito kasi talaga ang etika sa paglilingkod bayan. Napakalaking kapangyarihan at pera ang ipinagkakaloob at ipinagkakatiwala ng mga mamamayan sa kanilang mga pinuno, kaya hindi dapat mabahiran ng kahit na katiting na putik at pagdududa ang kanilang mga pagkatao.
Dito sa Pilipinas ay ibang-iba ang moralidad ng mga lider at lingkod bayan. May kakapalan ang mukha ng marami sa kanila. Ang kadalasan ay naglilinis-linisan ang mga ito. Naghahanap ng pagkakataong maidiin ang kapwa nila senador, kongresista, gobernador, mayor at iba pa, para maitago ang kanilang mga putik sa mukha.
Wala rin silang malinis na hangarin sa lipunan kundi ito ay pagnakawan kaya naman labis ang kanilang pagmamalinis at pagpapabango ng pangalang sa kalaunan naman ay ipapamana sa kanilang anak, asawa, pamangkin o apo para maisalin ang kapangyarihang kinamkam sa susunod nilang salinlahi. Ganito kabulok ang sistemang politika sa ating bansa ngayon.
KUNG TOTOO man ang listahang inilabas ni Napoles ay masasabi kong talagang isang kultura na sa politika ng bansa natin ang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Nakalulungkot at nakababahala na tila wala na tayong halos mailagay sa pamahalaan bilang lider na mapagkakatiwalaan. Maling halimbawa rin ang itinuturo ng mga politikong ito sa kanilang mga anak na magmamana malamang ng kanilang puwesto at sa kalaunay magnanakaw rin sa kaban ng bayan bilang bahagi ng bulok na kulturang politika sa bansa.
Sa ganitong estado natin ngayon ay paano pa tayo aasa sa kinabukasan ng ating mga anak? Sino ang mamumuno sa kanila sa hinaharap? Ano ang dapat nating gawin para bigyang solusyon ang malaking problemang ito sa ating kultura ng pamumulitika. Paano natin tatapusin ang bulok na sistema?
MASAKIT MAN ang katotohanan ay kailangan nating harapin ito. Dapat lang na ilabas na ng DOJ o ni Lacson ang listahan para ang taong bayan na mismo ang huhusga sa kanilang kapalaran. Kailangang alisin ang mga bulok na kamatis sa sisidlan ng bunga para hindi mabulok ang iba pang kasamahan nito.
Ibalik natin sa taong bayan ang kapangyarihang manuri sa mga politikong ito at ang pagpapasya ay nasa kanilang kamay. Habang papalapit ang National Election na magaganap sa 2016, mas kailangang ngayon pa lang ay maitaboy na natin sa malayo ang mga ganid na magnanakaw sa gobyerno upang hindi na sila muling makapaminsala pa.
Kung magkakataon ay mayroon lamang na iisa, dalawa o tatlong matinong senador na matitira sa tungkulin. Tila yata ay mas mabuti pa ito kaysa mayroong 21 pang senador na patuloy na magnanakaw sa ating kabang bayan.
Naniniwala rin akong maraming magagaling na maaaring pumalit sa mga mambabatas na ito habang sila ay nililitis. Maaaring magtagal ang proseso sa dami ng mga lilitisin ng Ombudsman, ngunit mas mabuti na rin ito upang tayo ay makapagsimulang muli ng bagong buhay kung saan hindi na magnanakaw ang mga pinunong ating iniluklok sa kapangyarihan.
MAY KARAPATAN ang taong bayan na makita ang listahang ito. Kung ito ay naipakita kay pangulong Aquino dahil siya ang presidente ng ating bansa, mas lalong dapat ipakita ito sa publiko dahil ang taong bayan ang tunay na boss ni Pangulong Aquino. Sa kanya na rin nanggaling ang mga katagang “Kayo ang boss ko!”
Kung ano man ang tahakin ng kasong ito ay nasa kamay pa rin ng taong bayan ang pagpapasya kung muli silang maisasama sa mga maluluklok sa puwesto sa 2016 elections. Ito ang pinakamagandang implikasyon ng pagkakalantad ng listahang ito sa publiko.
Kung wala mang kusa sa pagbibitiw ang mga Kongresista at Senador na nakasama sa listahan ni Napoles ay ang taong bayan na ang puputol sa serbisyong ito sa darating na eleksyon
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo