ANG MAYO ay isang mahanging buwan sa tag-araw. Paboritong buwan ng pagpapalipad – at kumpetisyon – ng iba’t ibang uri at laki ng saranggola sa aming bayan ng San Pablo, isang sleepy coconut town sa Laguna. Dekada ‘70.
Unang linggo pa lang ng buwan, kami ng aking Lolo Cito ay maghahanap na sa tabing-ilog at lawa ng mayayabong at batang kawayan. Dala ang kumikislap na itak at baong pagkain, lakad kami ni lolo, tuwang nag-uumapaw sa aking batang puso. At sa kanyang mata, kumikislap din ang isang kaligayahang siya lamang ang nakakaalam.
Sa napakalawak na playground ng public elementary school, ginaganap ang saranggola competition. Dinadagsa ito ng maraming aficionado mula sa punong-bayan at kura paroko ng simbahan. Mga malalaking premyo – in kind at cash – ang naghihintay sa mga magwawagi.
Puspos-kayod ang aking lolo sa pagdidibuho ng ilalabang saranggola. Kung may ilang beses siya papalit-palit kung sa palagay niya’y di mananalo sa kalaban. Pinagmamasdan ko siya sa pagkakayas ng kawayan, pagdo-drawing ng dibuho at pagkatapos hihinga nang malalim, ii-ling-iling ‘pag ‘di niya nagustuhan. Ngunit matagal siyang ngingiti sa akin sabay haplos ng aking ulo at buhok. At mahigpit na yakap.
Isang araw, binanggit niyang ang ating buhay ay parang saranggola. Lumilipad, pumapalaot tayo sa kalawakan upang humanap ng ating dapat kalagyan sa ilalim ng araw. Mainit at mahangin sa itaas. Mapanganib. Maraming pakikibaka. Sa sarili, sa kapwa at ‘di alam na pangyayari. Ngunit kailanga’y matatag. Malinis. Kumapit sa pana-nampalataya. Mithiin ang mabuti.
‘Di ko matarok ang tila matalinhaga niyang salita. Sa murang isip ko, pagpapalipad ng saranggola ay isa lang laro, aliwan, kasiyahan. Ngunit nakatitik sa aking pag-iisip habang buhay ang nilikha niya.
Matagal nang yumao si Lolo Cito. Kanyang ginintuang alaala, kumikislap tuwina sa aking puso. Lalo na sa Mayo ng tag-araw.
SAMUT-SAMOT
SI SEN. Miriam Defensor Santiago is out of this planet. Pambihirang nilalang. At kung hindi siya isinilang, dapat mag-imbento tayo ng isang katulad niya. Matalas ang isip, unbeatable ang humor at iba pang katangian. Si Miriam ay solid asset sa Senado at bayan. Binoto ko siya nang tumakbong Pangulo. Nalulungkot ako nang mahirang siyang isang international jurist. We will surely miss her.
ISANG 82-ANYOS na business tycoon ang nakita ko kamakailan sa Megamall. Nakasakay sa wheel chair, may kasamang tatlong nurses at apat na armadong bodyguards. Mukhang may sakit. Ngunit nasa kanyang mall para mag-inspeksyon ng kinikita ng pinapaupahang stalls. Pinagtitinginan siya ng mga tao. Napag-isip ko hanggang sa katandaan at malubhang karamdaman, salapi pa rin ang nasa utak. Madadala ba niya ang lahat ng ‘yan sa kabilang buhay?
SABI SA Banal na Aklat, death comes like a thief in the night. Totoo, ‘di natin when our number is up. Matanda, bata, mayaman, mahirap, malusog, may kapansanan. Kailangang ready tayo anytime humarap sa ating Creator. Titimbangin ang ating buhay. Nasa panig ka ba ng kabutihan? Lahat ay vanity, sabi ng Banal na Aklat. Parang usok, dumadaan sa ating batok. Hinihipan ng hangin at mawawala. Kaya ‘di dapat palalo. Tumulong sa kapwa.
KAGABI, BIGLANG sumaisip ang pumanaw kong kaibigan, Col. Tony Gana. Anim na taon kaming magkasama sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC) nu’ng panahon ng dating Pangulong Erap. Kakaibang nilalang kung pag-uusapan ang kabaitan at pagkamatulungin. Tragic ang kanyang pagkamatay sa U.S. noong nakaraang taon. Biktima ng pamamaslang. Dating, alis ang mga kaibigan sa ating buhay. May bakas silang maiiwanan. Hanggang sa muling pagkikita, Tony. Sa buhay na walang hanggan, ligtas ka sa sakit, gutom, suliranin at kamatayan.
BIGLA KO ring naalala si nasirang Romy Jocson, dati kong kasamahan sa Unilab. Pumanaw siya 10 taon na nakakaraan. Batikang pintor at creative artist. At higit sa lahat, isang tunay at ‘di malilimutang kapatid at kaibigan. Kung buhay siya, sigurado lagi pa rin kaming magkasama lalo na ngayon sa katandaan. Katulad ko, mahilig siya sa nature at pets. Marami kaming alaalang pinagsamahan. Romy has really touched my life.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez