Puwede bang alisan ng mana ng isang lehitimong anak?

Dear Atty. Acosta,

 

MAY PARAAN ba upang hindi magmana ang isang lehitimong anak mula sa kanyang magulang?

 

Ana

 

Dear Ana,

 

ANG ANAK ay isa sa mga compulsory heirs na binanggit sa ilalim ng Artikulo 887 ng Civil Code. Ibig sabihin nito, inilaan ng batas ang bahagi ng ari-arian ng namatay na magulang sa kanyang mga anak bilang kanyang tagapag-mana.

Ngunit kahit isang compulsory heir ang anak, maaaring hindi siya makatanggap ng mana mula sa magulang kapag siya ay itinakwil sa pamamagitan ng disinheritance. Ang disinheritance ay maisasakatuparan lamang kung gagawa ng huling habilin o last will and testament ang magulang na naglalaman ng pagtatakwil sa mana at ang partikular na dahilan ng naging sanhi nito (Artikulo 915, 916 Civil Code).

Ayon sa Artikulo 919 ng Civil Code, ang mga sumusunod ay mga sapat na dahilan para sa disinheritance ng magulang sa kanyang anak: kapag nahatulan ang anak ng pagtatangka sa buhay ng magulang, kanyang asawa, ibang anak, o lolo’t lola; kapag pinaratangan ng anak ang kanyang magulang ng krimeng pinarurusahan ng pagkakakulong ng anim na buwan o higit at ang paratang ay napatunayang walang basehan; kapag ang anak ay nahatulan ng adultery o concubinage kasama ng asawa ng magulang; kapag pinilit ng anak na gumawa ang magulang ng huling habilin o last will and testament o palitan ang nagawa na sa pamamagitan ng panlilinlang, pananakit, pananakot o hindi makatuwirang impluwensiya; kapag hindi nagbigay ng suporta ang anak sa magulang nang walang sapat na dahilan; pisikal o berbal na pananakit ng anak sa magulang; kapag namuhay ang anak nang hindi kaaya-aya; o paghatol sa anak ng krimen na may kaakibat na parusang civil interdiction.

Ang disinheritance na ito ay maaaring mapawalang-bisa kung walang dahilan na binanggit ang namatay sa kanyang huling habilin o last will and testament o ang dahilan ay hindi isa sa mga nakasaad sa Civil Code o kung ito ay walang katotohanan (Artikulo 918, Civil Code). Kapag may pagtutol, ang ibang tagapagmana ng namatay na magulang ang siyang may obligasyon upang patunayan na totoo ang dahilan na nakasaad sa huling habilin o last will and testament (Artikulo 917, Civil Code).

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBagets na Matatalino, ‘Yan ang Pilipino!
Next articleGeneral Luna sa Panahon Ngayon

No posts to display