ANG ASAWA ko po ay umalis na sa kumpanyang pinagtatrabahuhan sa Kuwait dahil hindi sila pinapasahod, walang pabahay (na nasa kontrata naman) at iba pang ‘di makataong trato. Gusto na po niyang umuwi rito pero nanghihinayang daw siya sa kaso na isinampa nila laban sa employer. Pero kailangan na po niya talagang umuwi rito dahil maysakit ako at wala nang mag-alaga sa aming mga anak. Puwede po ba siyang umuwi na lang dito? Paano po ‘yung kaso na isinampa niya? — Gloria ng Naga City
PALAGING NANGYAYARI na bago makapagsampa ng kaso ang isang OFW ay napaalis na siya at nandito na siya sa Pilipinas. Kaya’t ang hinahabol ng manggagawa ay ang ahensiya na siyang naririto sa bansa.
May tatlong partidos na kasangkot sa kaso ng asawa mo. Una ay ang foreign employer. Pangalawa ay ang ahensya. At pangatlo ay ang OFW. Sa pananaw ng batas, isang partido lamang ang employer at ahensiya. Iisa lang ang kanilang kinakatawang interes.
Dahil dito, isinasaaad ng Magna Carta for OFWs (RA8042), na ang pananagutan ng employer at ahensiya ay “joint and solidary”. Ang ibig sabihin, maaari mong sampahan ng kaso ang sinuman sa kanila o sabay sila. Kapag kinasuhan mo ang ahensiya, para mo na ring kinasuhan ang employer. Ang sinuman sa kanila ay maaaring magbayad sa iyo ng bayad-pinsala o damages. At bahala na ang ahensiya na singilin ang employer para sa kanyang ibinayad.
Kaya puwede na siyang umuwi at dito ituloy ang kaso laban sa ahensiya.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo