Dear Atty. Acosta,
NAGKAANAK KAMI ng aking nobyo ngunit hindi kami nakapagpakasal dahil pareho pa kaming wala sa edad sa ngayon. Dahil dito, illegitimate ang aming anak. Maaari po ba itong mabago?
Miss L
Dear Miss L,
ANG ESTADO ng iyong anak ay maaaring maging legitimate sa pamamagitan ng legitimation. Ang legitimation ay isang paraan kung saan ang mga batang ipinanganak na illegitimate dahil hindi nasasailalim sa isang legal at may bisang kasal ang kanilang mga magulang, ay ituturing na legitimate kapag ang kanilang mga magulang ay nagpakasal na. Bago naisabatas ang R.A. No.9858 o mas kilala sa tawag na “An Act Providing for the Legitimation of Children Born to Parents Below Marrying Age, Amending for the Purpose the Family Code of the Philippines”, bago maging kuwalipikado sa legitimation, kailangang ang kanilang magulang ay hindi nagtataglay ng anumang balakid sa pagpapakasal noong sila ay ipinanganak. Dahil sa nasabing batas, ang Article 177 ng Family Code of the Philippines ay na-amiyendahan na:
Art. 177. Children conceived and born outside of wedlock of parents who, at the time of conception of the former, were not disqualified by any impediment to marry each other, or were so disqualified only because either or both of them were below eighteen (18) years of age, may be legitimated.
Samakatuwid, kahit wala kayong kapasidad ng iyong nobyo upang magpakasal noong ipinanganak ang inyong anak, ang inyong pagpapakasal kapag kayo ay tumuntong na sa tamang edad na labingwalong (18) taong gulang ay magiging sanhi upang maging legitimate ang estado ng inyong anak. Gayunpaman, maaaring magamit ng inyong anak ang apelyido ng kanyang ama kahit hindi kayo kasal. Ayon sa R.A. 9255, ang mga i-llegitimate na anak ay maaari nang magamit ang apelyido ng kanilang ama. Kailangan lamang na kinikilala ng ama ang kanyang anak bilang isang illegitimate child na makikita sa tala ng kanyang birth certificate o sa pamamagitan ng pag-amin sa isang pampublikong dokumento o sa pribadong dokumento na nasa sulat kamay ng nasabing ama. Kapag kinilala ng iyong nobyo ang inyong anak bilang kanyang illegitimate child, magkakaroon na rin ng karapatan ang iyong anak na makatanggap ng suportang pinansiyal mula sa kanyang ama. Magkakaroon na rin siya ng karapatang maging isang legal na tagapagmana nito.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta