KAHIT BUMABAGYO, BOX-OFFICE success ang premiere night ng Fidel ni Lance Raymundo sa AFP Theater. As expected, mahusay ang pagkakaganap ng singer/actor sa nasabing indie film. Inihahanda na ang susunod niyang pelikula with his brother Rannie Raymundo.
Sa totoo lang, hindi kami nagandahan sa pagkakadirek ni Shandii Bacolod. May eksenang nakakahilo, may eksenang masyadong babad na kailangang i-edit. Sa rape scene, okey na ‘yung puro reaction shots lang ni Lance habang pinagsasamantalahan siya. Tatayong naka-hubo’t hubad si John Hall. Balik ang camera kay Lance na naka-brief pa rin, ano ‘yun?
Paliwanag ni direk Shandii, pang-international version daw ng Fidel ‘yung makikita ang puwet ni Lance. Maging ang binata ay na-surprise, hindi niya inaasahang mawawala ‘yung scene na nakadapa siya sa kama na naka-hubo’t hubad pagkatapos siyang abusuhin. Nakukulangan kami sa eksenang ‘yun nina Lance at John. Masyado kasing nagpakaseryoso si Direk sa pag-aakalang maganda ang kalalabasan.
Kung hindi pa magaling si Lance at mga artistang nagsiganap, masasabi naming boring ang pelikula.Hindi kaya ayaw lang ni Lance na gawing makatotohanan ang eksena nila ni John? Knowing Lance, willing itong gawin ng binata kung kinakailangan para sa ikagaganda ng pelikula. May katawang ipakikita, so, bakit nga naman siya mahihiya?
Hanga kami kay John, bukod sa nakakaarte ay walang kiyeme ito pagdating sa hubaran. Napag-alaman naming hindi raw gumamit ng plaster ang model-actor para takpan ang kanyang private part. Kahit maliit lang ang naging papel niya, markado naman, tumatak sa isipan ng manonood ang eksena niyang ‘yun with Lance.
Pang-award ang performance na ipinakita ni Andrea del Rosario. Lutang na lutang siya sa bawa’t eksena bilang TV journalist. Agaw-eksena ang datihang si Von Arroyo. Marunong nang umarte, bongga pa ang kanyang exposure. Kahit ilang scene lang si Snooky Serna, wala pa ring kupas pagdating sa drama.
Maayos ang pagkakasulat ng script ni Charlotte Dianco. Ayon sa kanya, base sa true-to life story itong Fidel na ni-research pa nila. Bukod sa pagiging script writer/columnist/manager katatapos lang niyang idirek ng Music Video si Miguel Mendoza, Pinoy Dream Academy 3rd place winner, para sa first album nitong Somebody and eventually, magdidirek na rin siya ng pelikula. Congrats!
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield