Magtatayo ng Quezon City Movie Museum si mayoralty bet Mike Defensor upang palakasin hindi lamang ang pelikulang Pilipino kundi ang entertainment industry.
Pinag-aaralan ni Defensor ang posibilidad na itayo ang Movie Museum sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center o sa La Mesa Dam Eco-Park upang higit pang makadagdag sa atraksyon ng naturang lugar.
“Naniniwala ako na ang pagtatayo ng museum ay konkretong proyekto na magpapalakas hindi lamang sa industriya ng sining kundi maging sa turismo na tiyak namang manganganak ng trabaho para sa ating mga kababayan,” pahayag ni Defensor.
Sa ginanap na pakikipag-ugnayan ni Defensor sa movie press kamakailan, tinukoy nito ang pagtatampok kay Fernando Poe Jr. sa museum bilang isa sa mga pinakasikat na artista sa bansa na nag-uugnay sa ‘past and present movie industry’ at mananatiling hari ng pelikulang Pilipino at isang national artist. Karapat-dapat umanong gawan ng wax statue si FPJ sa museum.
Idinagdag pa ni Defensor na kokonsultahin niya si German Moreno upang maisagawa ng maayos ang kaniyang plano bilang pagkilala na rin sa malasakit nito sa industriya.
Samantala, nilinaw nito na ang museum ay hindi makikipag-kumpetensiya sa Walk of Fame sa Eastwood at Garden of Stars sa Mowelfund kundi suporta para kilalanin ang industriya ng pelikulang Pilipino at ang talento ng mga artista sa bansa.
Ang museum ay nais nating maging resulta ng ordinansa na nauna ng pinagtibay ng konseho ng Quezon City kaugnay sa pagdedeklara sa lungsod bilang City of Stars.
Naniniwala si Defensor na hindi dapat mapako sa pagkilala lamang ang naturang ordinansa kundi dapat ipatupad sa pamamagitan ng mga reyalistikong programa na mararamdaman ng industriya at ng mga mamamayan.
“Higit na magiging makabuluhan ang pagkilala sa ating siyudad bilang City of Stars sa pagkakaroon natin ng mini-version ng Universal Studio na Holywood na tiyak na magpapalakas sa turismo at trabaho,” dagdag pa ni Defensor.
Pinoy Parazzi News Service