MULA SA simpleng pamumuhay sa isang bayan sa Rizal bilang municipal treasurer, ngayon ay nagtatampisaw na sa batis ng karangyaan itong si Ed T. Villanueva. ‘Yan, parekoy, ay dahil isa na siyang tesurero ng Quezon City.
Kung kotse ang pag-uusapan, simpleng Lexus lang naman ang kanyang pinagpapalit-palitan at simpleng BMW.
Samantala ang kanyang misis ay simpleng Mercedes Benz din ang tsikot.
Improvised plate lang naman (ETV 33) ang nakakabit sa kanyang lexus na nagkakahalaga ng 7 milyong piso.
‘Yan, parekoy, si QC treasurer Ed Villanueva!
Siya, parekoy, ang itinuturo ng ating tawiwit na nagkamal ng milyun-milyong piso mula sa pinaigting kuno na paniningil ng buwis. Dahil ang bawat “real property” na may mga atraso sa buwis ay pinadadal-han umano ni tesurero Villanueva ng quotation para sa sampung taon na bayarin sa buwis. At kapag umareglo umano ay saka lamang niya ito ibababa sa limang taon na bayarin.
Ang tanong… magkano?
Ang pobreng real property owner naman ay walang kaalam-alam na kung ang batas ang babasehan ay talagang limang taon lang naman (pabalik) ang dapat bayaran!
Maliban sa mga nabanggit na raket, alam din ng mga taga-city hall na walang ibang source of income itong si Quezon City treasurer Ed Villanueva. Kaya nga kung ipagkakaila ng hinayupak na ito ang nasabing raket ay dapat lang niyang ihayag ang iba pa niyang pinagkakakitaan!
Natatandaan ko, parekoy, si Mr. Tambunting na mas-yadong inipit ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares. Ang dahilan ng nasabing kontrobersiya ay iisang kotse na Lamborgeni.
Samantalang itong mga kotse ni tusorero… este, tesurero Ed Villanueva ay mukhang hindi pinapansin ng BIR.
Madam BIR Commissioner, hindi mo man lang ba sisilipin itong Lexus, BMW at Mercedes Benz ni Villanueva?
Hindi mo rin ba sisilipin madam kung maayos bang nababayaran ni QC treasurer Ed Villanueva ang kanyang mga buwis lalo na ang sa mga pag-aari niyang mansiyon?
‘Yan, parekoy, ang sinasabi natin dito sa BIR, pati ang kontribusyon sa SSS at PAG-IBIG na mula sa dugo at pawis ng mga kasambahay at OFW ay pilit na dinadalirot at gustong buwisan. Pero itong mga naglulunoy sa karangyaan na katulad nina treasurer Ed Villanueva ay pinalalagpas!
Ang tanong tuloy ng ating tawiwit, tanga ba itong mga taga-BIR o nagtatanga-tangahan dahil sa lagayan?
Sa ibinabalandrang karangyaan ni Villanueva ay dito natin masusubok ang pamahalaang ito kung tunay nga na matuwid ang landas na tinatahak!
Kung ipapa-lifestyle check siya ng RIPS sa ilalim ni Finance Sec. Cesar Purisima ay maniniwala si parekoy na desidido ang pamahalaan ni P-Noy sa kanyang ipinangangalandakan na “kung walang kurap walang mahirap”.
Pero kung hindi maisasailalim sa lifestyle check ang tesurerong ito, isa lang ang masasabi ko sa pamahalaan ni P-Noy…
Syet kayong lahat!!!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303