“Walang isang salita,” ‘yan ang impresyon ng dismayadong organizer ng presidential forum sa Davao City matapos ‘di sumipot si Liberal Party bet Noynoy Aquino habang anim lang sa kanyang mga katunggali ang dumalo.
Ayon kay Pastor Apollo Quiboloy, pinuno ng Kingdom of Jesus Christ at organizer ng presidential forum noong nakaraang Lunes, nauna nang itinakda ang forum noong Pebrero 11. Pero dahil ‘di makadadalo si Aquino noong petsang iyon, ito na ang pinapili ni Quiboloy kung kailan siya pupuwede.
Subalit sa dismaya ni Quiboloy at ng mga manonood, isang liham mula kay Aquino ang kanyang natanggap. Humihingi ng paumanhin ang LP bet sa ‘di niya pagsipot. Pinayuhan kasi siya ng kanyang mga doktor na huwag bumiyahe dahil mayroon siyang barosinusitis na maaaring mas lumala ‘pag nagbiyahe pa siya sakay ng eroplano.
Halatang ‘di naman katanggap-tanggap sa pastor ang dahilan ni Aquino. Pinatutsadahan kasi nito si Aquino bago magsimula ang forum. Sinabi niyang malamang, tulad niya ay dismayado rin ang mga manonood. Nag-quote pa ito ng tungkol sa commitment, “Commitment is your word of honor, when you fail to fulfill your commitment, you have no word and you have no honor,” hirit ni Quiboloy na umani ng palakpakan mula sa mga manonood.
Anim lang na presidentiables ang dumalo sa Sukatan 2010, sina Gilbert Teodoro, Ana Consuelo “Jamby” Madrigal, Richard Gordon, Nicanor Perlas, former president Joseph Estrada at Brother Eddie Villanueva.
Pinoy Parazzi News Service