MATAGAL nang gusto ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo ang magkaroon ng isang funeral business. Pero nilinaw niya na hindi ito dahil sa deadly covid-19 virus ngayon kung saan marami ang namamatay.
“Isa sa gusto kong business na itayo in the future is punerarya. Hindi naman natin hinihingi yun (death), di ba? That’s the cycle of life,” pag-amin ni Rabiya sa isang TV interbyu.
Gusto raw ni Rabiya na ayusang mabuti at pagandahin ang mga namamatay kahit man lang sa kahuli-hulihang pagkakataon. Madalas daw kasi siyang makakita ng mga bangkay na hindi maganda ang make-up kapag nasa loob na ito ng isang kabaong.
“Hindi ko kasi gusto yung makeup ng patay sa probinsya. Parang feeling ko nilalagyan lang sila ng puting foundation at kinikilayan lang sila. Gusto ko magkaroon ng punerarya at gusto ko maganda yung makeup ng mga kliyente ko,” rason pa niya.
Inamin din ni Rabiya sa kanyang guesting na naranasan na niyang makipag- date noon sa lalaking mas matanda sa kanya. Nagkaroon din daw siya noon ng boyfriend na tatlong taon naman ang agwat sa edad niya.
“Three years yung ex ko, pero nakipag-date din ako sa seven years yung gap namin,” pagtatapat ng beauty queen.
Eh, bakit nga ba mas gusto niya ang older guys?
“Wala kasi akong dad, so siguro yung hinahanap ko sa relationship is somebody na mag-aalaga sa akin. Tatay pala talaga yung hinahanap? Ha-ha-ha?” natawang pahayag ni Rabiya.
Ayon pa sa Pinay beauty queen, naniniwala siya sa kasabihang “love has no boundaries” at lahat ay may karapatang magmahal at mahalin regardless kung anuman ang kanilang edad.
“As long as kayong dalawa, nasa legal age naman, and if it’s love, wala tayong magagawa. Love has no gender, it has no age. Basta legal kayong dalawa,” pahayag pa niya.
Ibinahagi naman ni Rabiya ang isa sa unforgettable hate comments na natanggap niya pagkatapos manalo bilang Miss Universe Philippines tulad na lang halimbawa ng, “isang kabit yan kaya nanalo.”
“Siguro sobrang dami talaga. Sa sobrang dami parang wala akong maisip. Pero kasi important talaga yon, eh. Noong nanalo ako ng Miss Universe Philippines, kasi di ba dark horse ako noon, wala akong kapanga-pangalan, galing sa probinsya, siguro ang narinig kong issue is, ‘Ah kabit ‘yan kaya nanalo ‘yan.’ And that was nasty.
“Kaya siyempre, isa akong babae kung saan lahat ng mayroon ako pinaghihirapan ko. Yung first ko talagang ginawa is kinausap ko yung mama ko. Kasi for example kung may makikita tayong masasakit na comments, kung ako masasaktan, times 10 yon sa nanay ko.
“So siya talaga yung sinabihan ko na, ‘Ma tatagan mo ‘yung loob mo kasi yung pinasok ko, public property na ako, wala na tayong say kung ano man ‘yung gagawing issue ng mga tao. Pero ang importante is that alam naman natin na mabuti tayo kahit walang nakatingin sa atin,’” wika pa raw ng dalaga sa kanyang ina.
“Ang iniisip ko, ‘Bakit ganito yung mga tao? Bakit ang sakit nilang magsalita? Bakit napakadali na lang para sa kanila?’ Pero we have to understand na hindi mo kontrol kung ano ang sasabihin ng mga tao about sa’yo pero kontrol mo kung paano ka magre-react sa mga sinasabi nila,” huling pahayag ni Rabiya.