KUNG NAKAKAPAG-BIGAY MAN ng kanyang mga saloobin ngayon ang King of Talk na si Kuya Boy Abunda tungkol sa lubusan niyang pagsuporta sa Ladlad party-list bilang Senior Party Adviser, ito eh, bilang paghahanda na rin marahil para tuluyan nang magkaroon ng ‘boses’ ang nasabing samahan na ang layunin naman eh, ang maipagtanggol ang karapatan ng mga lesbian, gay, bisexual at transgender.
Makailang ulit na tayong nakakabalita ng pang-aabuso sa mga miyembro ng third sex. At bukod sa nasabing pang-aabuso, pisikal man o emosyonal, nandyan pa rin ang pagkakaroon ng diskriminasyon sa kanila gaya sa trabaho, sexual harassment, pati na ang tinatawag na ‘hate crimes.’
Dagdag dito, nilinaw rin ni Kuya Boy ang naunang nabalitang may plano siyang tumakbo sa darating na eleksyon. Hindi naman daw niya isinasara ang kanyang pintuan sa larangang ito, pero maaga pa para ito pagdesisyunan.
Nauna kasing nabalitang plano na niyang tumakbo sa lalawigan niyang Samar for a gubernatorial seat. Kung saan, ang kanyang kapatid eh, Mayor ng kanilang bayan.
Nasa dugo naman ni Kuya Boy ang pulitika kung tutuusin. Pero mas marami pa rin ang nagsasabi na mas kailangan din siya ng mundo ng entertainment. Hindi lang bilang isang mahusay na host kundi pati na rin sa ginagampanan niya bilang manager sa maraming talents na kanyang kinakalinga at ng sari-saring mga samahang kumukuha sa kanya para maging consultant nila.
Abunda is a teacher as well. Kaya nga, sa gitna ng kanyang kaabalahan sa showbusiness, napagpursigihan pa rin niya ang magturo at kumuha ng kanyang Master’s Degree sa Philippine Women’s University.
Kung pasukin man nito ang pulitika in the years to come, hindi na nakapagtataka. Kahit saang larangan eh, nakapagsilbi siya with all his might. Kung ‘di nga lang ito naintriga para mahawakan ang sangay ng Turismo, malamang na marami na ngayong nagagawa ang Abunda para palaganapin pa ang mga maipagmamalaki ng Pilipinas na makakatuwang pa ang mundo ng entertainment.
Pero sa ngayon, hindi lang basta karapatang-pantao ng mga pinoprotektahan ng Ladlad ang kanyang aalagaan. Bilang isang guro, palalaganapin niya ang mga ipinaglalaban ng samahan para lalong maintindihan ng mga tao at ma-educate sila sa mga kailangang malaman tungkol dito, pati na sa isyu sa Simbahang Katoliko.
Hindi raw ito pangangampanya. Although kung muling sasabak ang nasabing party-list, hindi na nga papayag si Kuya Boy na basta na lang ma-LAGLAG ang LADLAD.
AT TULUYAN NANG tinapos ni Rachelle Ann Go ang napabalita nang hiwalayan nila ni John Prats some weeks ago, sa pamamagitan ng paghahayag niya ng kanyang saloobin sa Party Pilipinas noong Linggo.
Kung saan bago siya kumanta, may mga sinabi si Rachelle Ann tungkol sa muli niyang pagharap sa isang bagong bukas. Nang maluwag na nga sa kanyang kalooban.
“I’m okay now. Wala nang dapat pang problemahin. Tapos na. Mas marami pang dapat na pagtuunan ng pansin.”
Kung nakapag-usap pa ba sila ni John for one last time, gaya rin ng mga naglalabasan sa mga balita eh, hindi na idinetalye pa ng nasabing singer.
The Pillar
by Pilar Mateo