NAGING SENTRO NG intriga si Toni Gonzaga dahil sa diumano pakikialam nito sa break-up nina John Prats at Rachelle Ann Go. Nabuking ang split-up ng dalawa nang magsalita ang singer-actress tungkol sa kanilang hiwalayan. Naintriga ngayon ang dalaga about the issue. Kapag ang topic ay kina John at Rachelle, hindi na nito sinasagot ang media sa kanilang mga katanungan.
Nabalita kasing totoong nagalit daw si Rachelle kay Toni sa naging pahayag nito. Siya ang tinutukoy sa tweet ng singer ng ‘respect’. Wala raw karapatan ang actress para makialam sa break-up nila. Tama lang daw ang pananahimik ngayon ni Toni.
Nagsalita na si John sa totoong status ng relationship nila ni Rachelle. Hindi diretsong inamin ng actor pero you can read between the line ang naging pahayag nito. Lumalabas kasi, si John ang nakipaghiwalay sa dalaga. May chika nga madalas silang makita ni Juanita Banana sa mga gimikan at ma-dalas itong nakababad sa dressing room ng dating beauty queen.
Last Friday, namataan namin ang staff at crew ng GMA-7 sa Ninoy International Airport, Terminal 1. Nagkataon namang papaalis kami nina Sheila Queto papuntang Hong Kong, China at Macau for 4 days vacation. Inaabangan nila ang pagdating ni Rachelle sa airport na aalis nang araw na ‘yung para mag-show sa Dubai. Ilang oras din silang naghintay para personal na makausap ang dalaga.
Hindi nagtagal dumating si Rachelle, sandali lang sila kinausap. Matipid ang mga naging pahayag ng singer tungkol sa split-up nila ni John. Hindi lang klaro kung sinabi nito ang totoong dahilan ng kanilang paghihiwalay.
MASAYA SI SENATOR Bong Revilla pagkatapos siyang mahirang na Sultan bilang pagkilala sa kanyang mga adhikain at pagtulong para sa ikauunlad ng mga kapatid nating Muslim sa Mindanao. Ginawang adopted son ang butihing senador ng probinsiya ng Sultan Kudarat. Ngayon nga ay isa na siyang Sultan, puwedeng mag-asawa ng apat.
Ipinangako ni Sen. Bong na hindi niya sasamantalahin ang ibinigay sa kanyang titulo para makapag-asawa ng Muslim. Tapos na raw siya sa pagiging babaero. Nag-iisa lang sa puso’t isipan niya si Congw. Lani Mercado. Ang priority ng action star ay makatulong sa mga ito, ipagtanggol ang mga walang kasalanan at hulihin ang may sala.
Ang enthronemet and conferment ceremony ay ginawa sa Sultan Kudarat Provincial Capitol. Pormal na binigyan ng kapangyarihan ang mangbabatas bilang ‘Prince of Justice’. Itutuloy niya ang pagtataguyod para sa Mindanao at pangalagaan ang kapakanan ng mga naninirahan sa nasabing lugar.
Seryosong sinabi ni Sen. Bong na hindi niya dudungisan ang titulong ibinigay sa kanya. Ipaglalaban ng butihing senador ang karapatan nila. Hindi ba’t siya ang nagsulong sa agarang pagpasa ng Senate Bill 1990? Siya rin ang author na magbabawal sa paggamit ng mga salitang Muslim at Islamic sa lahat ng media bilang pagbanggit sa mga pinaghihinalaan, nasisentensiyan sa anumang krimen. Binanggit din niya na kapag naging batas na ito, puwedeng maging daan para magkaroon ng kapayapaan at kaunlaran ang Mindanao.
Sa nasabing special event ni Sen. Bong, kasabay ang mga Malaysian nationals ay attested by former Congressman Sultan Pakung Mangudadatu bilang Rajah Buayan Sultanate IV ng Mindanao at Dato Dr. Hajji Yassin Noor, Honorary Chairman of the Royal Mindanao-Malaysia Friendship Society.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield